
Lumabas na ang unang resulta sa isinagawang clinical trials para sa lagundi bilang isang mabisang treatment para sa COVID-19 na nagpakita ng mas mabilis na paggaling ng mga nahawaang pasyente mula sa naturang virus, ayon sa Department of Science and Technology nitong Miyerkules, June 30.
Ayon kay DOST chief Fortunato dela Peña, ang mga pasyente na mayroong mild condition ng COVID-19 na gumamit ng lagundi ay mabilis ang paggaling mula sa nakamamatay na virus.
“Yung mga nag-lagundi, madaling bumalik ang kanilang pag amoy. Pangalawa, ‘yun pong mga sintomas na nag-take ng lagundi ay mas naunang nawala,” saad ni Dela Peña.
Ang mga nahawang pasyente ay gumamit ng lagundi sa loob ng walong araw para maka-recover sa virus, ayon kay Dela Peña.
Aniya, ang mga mananaliksik ay kailangan matukoy kung ang dosis ng lagundi ay may epekto sa viral load na nahawaang mga pasyente habang sila ay naghihintay ng kanilang mga swab test result.
Dahil sa pagpapakita ng development sa pag-aaral na ito, inaasahan nila [DOST] na ito ay mabibigyang pagtukoy ng DOH na gawing rekomendasyon ang lagundi para sa mga pasyenteng may mild COVID-19.
Ang naturang clinical trial para sa lagundi ay natapos na kahapon.
Samantala, ang clinical trials para sa virgin coconut oil ay inaasahang matatapos ngayong buwan ng Hulyo, ayon na rin sa pahayag ni Dela Peña. #DM
0 comments on “Mild COVID-19 patients mas mabilis gumaling sa Lagundi ayon sa DOST”