
Inilahad ni dating senador Antonio Trillanes IV ang umanong kutsabahan nina Pangulong Rodrigo Duterte at dating aide niya na ngayon ay senador na si Bong Go, sa isang 9-minute YouTube video ni Trillanes.
Sinabi ni Trillanes na nagmula umano ang mga anomalya sa mga infrastructure project sa Davao region na nakuha ng mga kumpanyang pag-aari ng ama at kapatid ni Go.
Ang pagsisiwalat na ito ay base sa nakalap na report noong 2018 ng PCIJ at Rappler, at sinuportahan naman ito ni Trillanes ng mga dokumentong mula sa DTI at COA.
“Kung matatandaan ninyo bago naging senador si Bong Go noong 2019, siya ang Special Assistant ni Duterte simula pa nung 1998. Sa madaling salita, may paglabag sa batas ang mga ginawang pagkaka-award ng mga government contracts sa tatay at kapatid ni Bong Go,” ayon kay Trillanes.
Ayon kay Trillanes, ipinagbabawal ng saligang batas sa bansa ang pagpasok sa kontrata ng isang namumuno sa gobyerno sa mga proyekto mismo ng gobyerno.
Saad naman ng Palasyo, lumang tugtugin na ang mga alegasyon ni Trillanes at wala naman umano siyang napatunayan sa mga iyan.
Asahan na raw ang ganyan lalo’t malapit na ang halalan, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque. #DM
0 comments on “Alegasyon ni Trillanes kay Pang. Duterte at Bong Go, inilahad; Lumang tugtugin na ito ayon kay Sec. Roque”