Okupado na sa 75% ang COVID-19 beds sa Philippine General Hospital at tatlo rito ay mga bata na infected ng virus na nasa kritikal na kalagayan, ayon kay PGH Spokesperson Dr. Jona del Rosario ngayong Sabado.

“Based sa last census namin kaninang umaga, we have 169 patients na confirmed COVID [cases] out of 225 beds that we have allocated for COVID. So that is roughly 75% occupancy,” saad ni Del Rosario sa briefing ng Laging Handa.
Aniya, inaantay pa ng PGH ang sequencing results mula sa Philippine Genome Center (PGC) upang matukoy kung ang mga pasyente sa naturang ospital ay infected ng nakamamatay na Delta variant COVID-19.
Dagdag pa ni Del Rosario, ang PGH ay maaring palawakin ang bed capacity hanggang 250 beds ngunit depende ito sa availability ng mga medical frontliners.
Bukod dito, sinabi ng PGH na kanilang ginagamot ang tatlong bata na nahawaan ng COVID-19 na nasa kritikal na kalagayan ngayon.
“Mayroon kaming eight beds sa pedia COVID ward facility na expandable to 12. Ngayon po ay may anim na COVID patients out of the eight beds,” saad ni Del Rosario.
“Tatlo po doon ay critical, dalawa ay moderate, at ‘yung isa po ay ang mild, medyo pa-recover na,” ani Del Rosario.
Ang mga sample mula sa mga bata, at ang tatlong kritikal na kaso ay naipadala na sa PGC para sa isasagawang sequencing.
Aniya, ang mga bata na infected ng COVID-19 ay may mga comorbidities.
Dalawa sa mga bata na kritikal ang kondisyon ay may existing medical conditions habang ang isa ay mayroong multi-systemic inflammatory syndrome in childhood. #DM
0 comments on “75% ng COVID-19 beds sa PGH okupado na; 3 mga batang nahawaan ng virus nasa kritikal na kondisyon – DOH”