WIKA AT PANDEMYA: 8 Salita na pinag-usapan at tumatak ngayong 2021

Read Time:4 Minute, 28 Second

Ipinagdiriwang ngayong buwan ng Agosto ang Buwan ng Wika 2021 na may temang “Filipino at Mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino” na kasalukuyang isinasagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Mahalagang mabatid ng lahat ang kahalagahan ng wikang pambansa sapagkat, ito ang nagbubuklod sa atin upang mas maunawaan ang bawat rehiyon o etniko sa kanilang mga salitang nakasanayan at mga gawi at ang pag-usbong ng iba pang salitang nag-trending ngayon. Maraming mga salitang umusbong noong unang bugso ng pandemya sa buong mundo at maging sa ating bansa.

Kaya naman, nais kong bigyang daan ang nagpapatuloy na mga salitang nabuo, pinag-usapan at talaga namang nag-trending sa panahon ng pandemya ngayong taong 2021:

1. Essentials — tumutukoy sa mga pagtatakda ng IATF sa mga industriyang higit na kailangan ng tao gaya ng restaurant, food delivery, telecommunications, hospitals, medical supplies, at iba pang industriya na saklaw ng IATF. Matatandaan na nagtrending ang salitang ito matapos sitahin ang isang delivery driver na bumili at maghahatid sana ng lugaw para sa kanyang customer kung saan ay ipinamukha ng isang barangay kagawad sa nakuhanang video ng driver na umano’y hindi raw essential ang lugaw na talaga namang ikinainis ng nakararami.

2. Lugaw – Nagtrending ang salitang “lugaw” matapos tukuyin ng sumitang barangay kagawad na ang Lugaw daw ay hindi essential. Samu’t saring mga memes ang naglipana tungkol sa lugaw. Inihalintulad pa ang lugaw kay VP Leni sa kanyang pamimigay umano ng lugaw sa mga tinutulungan nitong mga komunidad na naapektuhan ng mga kalamidad sa bansa. Ang lugaw ay isa sa mga pangunahing inihahain sa tuwing may kalamidad sa partikuar na lugar kung saan ito ipinamamahagi sa lahat para mainitan at mabusog ang kumakalam na sikmura. Lugaw din ang ipinapakain sa may mga sakit o lagnat at hirap makanguya ng matitigas na pagkain. Lugaw din ang ipinapakain sa atin ng ating mga nanay noong tayo ay musmos pa lamang. At sa lugaw din umunlad ang mga nagtitinda nito dahil sa ‘tubong-lugaw’ ang dala nito. Sa totoo lang malaki ang naitutulong ng lugaw sa ating lahat.

3. Community Pantry – “Magbigay ayon sa kakayahan, Kumuha batay sa pangangailangan” ito ang slogan ng mga community pantry; isang inisyatibo ng mga lokal na mamamayan sa kani-kaniyang pamayanan upang magbigay tulong sa mga nangangailangan. Minsang pinagkamalan ito na isang Communist Party ang nagsagawa nito ngunit hindi nagptinag sa mga kontrobersiya ang mga nangangasiwa nito dahil sa totoo lang, buong bansa ay nagkaroon nang kani-kaniyang pamamaraan para makapagbigay at makapag-abot tulong sa mga walang-wala at lubos na naapektuhan ng pandemya.

4. APOR—Authorized Persons Outside Residence, ito ang pagpapahintulot sa mga manggagawa na sakop ng essential establishments/industries gaya ng hospitals, pharmacy, drugstores, food services and delivery, cargo, at iba pang may kaugnayan sa pagkain at mga suplay pang medikal na pangangailangan.

5. Heightened Restrictions – tumutukoy ang salitang ito sa pinaka mahigpit na klasipikasyon ng kwarantina kung saan ay nagtatakda ng paghihigpit nang mga aktibidades at galaw sa partikular na komunidad o lugar na kaakibat ang mga panuntunan ng partikular na lokal na pamahalaan. Kadikit ng general community quarantine (GCQ) ang heightened restrictions.

6. Tuob – Isang ancient na pamamaraan para paluwagin ang paghinga ng mga taong barado ang ilong sa pamamagitan ng paglanghap ng vapors ng mainit na tubig; sinasabi ng ilan na nakakapagpagaling daw ito ng Covid19 virus. Madalas din itong ibaybay at bigkasin bilang “Suob”.

7. Delta variant – Isa sa pinakamatindi at sinasabing pinaka nakahahawa sa lahat ng uri ng isang virus ng COVID-19 na laganap sa maraming bansa. Nadiskubre ang Delta variant noong Disyembre 2020 sa India. Base sa pag-aaral, mas mabilis daw ito ng 225% sa orhinal na virus mula sa Wuhan, China at naging outbreak sa United States. At kasalukuyan itong namiminsala sa Pilipinas dahilan kung bakit isinailalim ang buong National Capital Region (NCR) sa enhanced community quarantine at general community quarantine with heightened restriction naman sa mga kalapit na probinsya. Pinangangambahan ito ng sobra dahil sa lawak ng pinsala sa kalusugan ng lahat. Ayon sa mga eksperto, ilan sa sintomas ng Delta variant ay runny nose at ang sobrang pagbahing.

8. Dolomite sand – Pinutakte nang samu’t saring kontrobersiya ang proyektong ito ng gobyerno dahil sa pagpapaganda umano nang Manila bay para maging isang tourist spot sa mga Manileño at mga nagnanais na mabisita ito. Ngunit, marami ang kumokontra dito dahil sa tuwing dumarating ang mga kalamidad gaya ng bagyo at ang tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan o ng habagat ay tila nawa-wash-out ang dolomite sand at pumapaibabaw naman ang mga basura sa baybayin ng Manila bay. Magpahanggang sa ngayon, patuloy itong nilulunod nang sandamakmak na kontrobersiya at talaga namang tumatak sa mamamayan dahil sa milyones na halaga ang nasasayang tuwing tatabunan ito ng dolomite sand.

Ang mga salita at akronim na nabuo ay ilan lamang sa mga pinag-usapan dahil sa nagdulot ito ng kalituhan sa lahat. Ang mga salitang ito ay kadikit na nang ating pamumuhay ngayon. Pinalawak ng mga salitang ito ang kaalaman at kamalayan ng bawat tao sa mga terminolohiya na ating binabalangkas. Ang mga salitang ito ay bahagi na rin ng ating wika, pamumuhay,kasanayan, at sa ating pakikipag-ugnayan sa lahat partikular sa siyentipikong paglinang ng mga salitang ito. #RBM

*Sundan ang Berso De Estilo Pilipino sa link na ito;

http://bersodeestilopilipino.blog

https://bersodeestilopilipino.wordpress.com/

About Post Author

Diyaryo Milenyo

DIYARYO MILENYO is a free and independent online media outfit that publishes events happening in the local communities and current issues that matter to the public with local, national and global implications. DIYARYO MILENYO is composed of volunteer journalists and community writers scattered in various parts of the Philippines. They report the news right and where it happens. It adheres to the standards and ethics of journalism. It imposes strict rules against attacking someone. Strictly adhering to publish good news only.
Happy
Happy
50 %
Sad
Sad
0 %
Excited
Excited
50 %
Sleepy
Sleepy
0 %
Angry
Angry
0 %
Surprise
Surprise
0 %
Previous post Paglulunsad ng Aklat ng Komisyon sa Wikang Filipino, Tampok ngayong Buwan ng Wika 2021
Next post 174 bagong kaso ng COVID-19 naitala sa hanay ng PNP
%d bloggers like this: