
Inaasahan na pag-uusapan ngayong gabi ng mga Metro Manila Mayors kaugnay ng kanilang rekomendasyon para sa susunod na klasipikasyon ng kwarantina sa naturang rehiyon, ayon kay DILG spokesperson Jonathan Malaya ngayong Martes.
“’Yan po ay pagpupulungan pa. Meron nga pong meeting ang ating mga mayor, if I’m not mistaken, mamayang gabi para pag-usapan kung ano naman ‘yung kanilang rekomendasyon,” saad ni Malaya sa isang interbyu sa Balitanghali.
“And there will be a Technical Working Group meeting ng IATF bukas. In the next few days siguro malalaman natin kung anong magiging rekomendasyon ng IATF then ultimately ito po ay ipapa-approve sa ating Pangulo,” dagdag ni Malaya.
Kinikilala rin ni Malaya na ang pagpapatupad ng ECQ ay mas mahigpit ngayong Agosto kumpara sa nakaraang mga buwan sa gitna ng vaccination program at ng inaprubahang authorized persons outside of residence.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo (Agosto 15, 2021), nasa kabuuang 71,755 violators ang kanilang naitala mula nang pagpapatupad ng ECQ ngayong buwan.
“Isa pa po ‘yan sa pinag-uusapan namin sa DILG kung magrerekomenda kami ng mas mahigpit na,” ani Malaya.
Matatandaan na ang National Capital Region (NCR) ay isinailalim sa enhanced community quarantine mula ng Agosto 6 at magtatapos sa Agosto 20. #DM
0 comments on “NCR Mayors, tatalakayin ang panibagong quarantine classification ngayong Martes ng gabi – DILG”