
Opisyal nang inindorso ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagtakbo nito sa pagka-pangulo sa 2022 Eleksyon.
Ipinasa ng partido ang isang resolusyon na kanilang magiging standard-bearer si Marcos sa ginanap na national convention sa Tupi, South Cotabato.
Sinabi ni PFP General Council George Briones na ang kanilang partido ay ninanais na iluklok sa pagka-pangulo ang anak ng namayapang dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sa naganap na pagpupulong, inilarawan si Bongbong Marcos bilang isang matalino, edukado, mapagkumbaba, hindi bastos sa pananalita, may katangi-tanging katangian at minamahal ng masa.
Sinabi pa ni Briones na ang PFP ay nasa ikatlong taon pa lamang ngunit hindi ito nasasangkot sa anumang katiwalian o kriminal na kaso at hindi nagdadala ng anumang kahihiyan.
Ang PFP ay isang nasyunal na partido na inaprubahan ng Commission on Elections noong 2018, na mayroong 1.5 million nationwide membership. Nasa halos 300 miyembro nito ay nagwagi sa nakaraang 2019 elections.
Ilan sa plataporma ng partido ay magkaroon ng drug-free, insurgency-free, corruption-free at poverty-free society.
Kung sakaling tanggapin ni Marcos ang endorsement ng PFP, siya ang magiging ikatlong politikong personalidad matapos ipahayag nila Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Sen. Emmanuel “Manny” Pacquiao ang pagtakbo nila sa pinakamataas na posisyon sa bansa para sa Halalan 2022. #DM
0 comments on “Bongbong, opisyal nang inendorso ng PFP sa pagka-Pangulo sa 2022 Eleksyon”