[Ni Sid Luna Samaniego]
Magkasama sa hirap at ginhawa. Till death do us part. Mga sumpaang hindi kayang paghiwalayin ng tadhana.

Halos 16 taon ding nagtrabaho ang mag-asawang Maricel Lazala, 36 gulang at Mark Candor, 34 gulang, sa bansang Dubai bilang Receptionist at Steward. Pawang naninirahan ngayon sa Brgy. Bagbag 2, Rosario, Cavite. Nang pumutok ang pagkalat ng Covid-19 ay kasama sila sa mga nawalan ng trabaho at pinauwi ng Pinas.
Tila naglaho ang pangarap nila na makabili ng bahay at lupa sa pangyayaring iyon.
Isa lamang ang mag-asawang ito na sobrang naapektuhan ng pandemya. Pilit man nilang gustuhin ay hirap pa rin silang makabalik sa Dubai.
Ngayong nasa ‘Pinas na sila, ay kailangan nilang dumiskarte upang mabuhay.

Pinasok ni Mark ang pagiging babybus driver na may rutang Cavite-Naic vice-versa. Habang ang kanyang asawa naman na si Maricel ay ang kanyang konduktor.
“Mahina na ngayon ang pasada sa bus hindi tulad dati. Marami na rin kasing manggagawa sa Epza ang nawalan ng trabaho matapos na magsara ang ilan sa mga kumpanya ng pabrika sa Epza.” malumanay na paliwanag ni Mark.
Kumikita siya sa pamamasada ng mahigit 1000 piso bawat araw. Kung minsan bawi lang. Dahil may araw na sunud-sunod ang kamalasan. Nandyan ‘yung masiraan ka, maplatan ng gulong, at ang mahuli ng mga enforcers.
Sadyang ganyan ang buhay. Sipag at tiyaga lang ang kailangan upang mabuhay. Magtiis anuman ang ating nais. Magsumikap hanggang magtagumpay at makamit ang ating pangarap. At magsaya kapag ramdam mo na ang buhay masagana. #DM
0 comments on “Mag-asawang OFW dati sa Dubai, driver at kunduktor ngayon ng babybus”