
Pawikan, iniligtas sa panganib ng mangingisda sa Rosario, Cavite
[Ni: Sid Samaniego]

ROSARIO, CAVITE: Nailigtas ng isang lider ng mangingisda ang isang sea turtle o pawikan nang tangkang lalapain ito ng mga aso. Kinilala ang mangingisda na si Mike Concha ng Brgy. Ligtong 4 ng nasabing bayan. Lider ng Samahan ng Manlalayag ng Ligtong.


Ayon kay Concha, nagroronda diumano siya ng mga oras na iyon sa kanilang mga nakataling mga bangka dahil nauuso na naman sa kanilang lugar ang nakawan ng baterya at makina ng mga bangka.
Nang makatawag pansin sa kanya ang malalakas na tahol ng mga aso, at nang kanya itong lapitan ay laking gulat na lamang niya ng makita ang isang pawikan na galit na tinatahulan ng mga aso.
Kaya naman, minabuti niyang itaboy ang mga aso at sagipin ang nasabing pawikan. Inusisa muna niya kung may sugat ang pawikan, nang makita na ito ay nasa maayos na kalagayan ay kaagad din itong pinakawalan sa dagat para sa kanyang kaligtasan.
“Bilang isang lider ng mga mangingisda, karapatan ko na proteksyunan ang pawikan na itinuturing nating nanganganib na sila ay maubos”, madamdaming kwento ni Concha.
May mababaw na hukay sa buhangin sa pinag-iwanan ng pawikan na maaaring mangingitlog sana ang pawikan sa naturang lugar.
Magugunitang noong Feb. 21, 2017 sa lugar ding ito, nang makita rin ng mga mangingisda ang maraming bagong pisang pawikan na nasa tagilirang bahagi ng isang bangka na kaagad ding pinakawalan sa dagat.
Samantala, kagabi lang ay muling namataan ng mga mangingisda ang 3 pawikan na lumalangoy sa mababaw na parter ng dagat sa nasabi ding lugar. #DM