
6 na Ortograpiya ng mga Wika, ilulunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino kasama ang pagpapakilala ng mga aklat sa 16 Disyembre 2021

Ilulunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang 6 na ortograpiya ng mga wika kasabay ang 22 aklat sa 16 Disyembre 2021, 9:00–11:00 nu sa Bulwagang Romualdez, Komisyon sa Wikang Filipino, 1610 Kalye J.P. Laurel, Malacañang Palace Complex, Lungsod Maynila.
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!Ang ilulunsad na mga ortograpiya ay ang Ortograpiyang Boînën, Ortograpiyang Hiligaynon, Ortograpiya ni Paranan, Ortografiya nu Yogad, Giya sa Ortograpiyang Sinugbuánong Binisayâ [Cebuano], at Tarabay iti Ortograpia ti Pagsasao nga Ilokano.
Ang Ortograpiya ng mga wika ng Pilipinas ay kabilang sa mga proyekto ng Sangay ng Salita at Gramatika sa ilalim ng KWF. Ang reoryentasyon at pagbuo ng ortograpiya ng mga wika sa Pilipinas ay isang armonisasyon na isinusulong ng KWF na pinamumunuan ni Komisyoner Arthur P. Casanova upang makatulong sa pagtulay mula sa katutubong wika tungo sa wikang Filipino bilang midyum ng pagtuturo.
Ang paglulunsad ng aklat ay pangungunahan ng Sangay ng Edukasyon at Networking sa pangangasiwa ni G. Jomar I. Cañega. Para sa iba pang mga impormasyon hinggil sa gawaing ito, maaaring makipag-ugnayan kay G. Rolando T. Glory sa #09087663290 o mag-email sa rolandoglory1@gmail.com.
Ang paglulunsad ng aklat ay mapapanood nang live sa opisyal FB page ng Radio Television Malacañang (RTVM), National Commission for Culture and the Arts, at Komisyon sa Wikang Filipino.