
Mga peryodista at taga-radyo nagbigay ng “tribute messages” sa namatay na broadcaster sa South Cotabato
[by Ramil Bajo]
SOUTH COTABATO (Feb. 11, 2022) — Dalawang beteranong mamamahayag sa probinsya ng South Cotabato ang nagbigay ng kanilang mga “tribute message” para sa kasama nilang namatay na si James Paciete, kilalang news anchor at radio commentator ng T-Radio FM na nakabase sa upper valley area ng probinsya.
Si Paciete ay dating station manager ng Radyo Bandera (Tacurong City) at Radyo Milenyo (Koronadal City).
Ayon sa report, natagpuan si Paciete na wala ng buhay sa loob ng kanyang kwarto. Namatay ito sa araw ng libing ng kanyang nanay.

Sa kanyang mensahe, inilarawan ni Dok Freddie Solinap, kilalang publisher ng Katribu Newspaper, si Paciete na isang mabuting tao at mabait na kaibigan.
Ayon naman sa beterano at hard-hitting radio commentator na si Neptali Espinosa, nalungkot ito ng mabalitaan na namatay na si Paciete.
Tulad ni Solinap, inilarawan rin nito si Paciete na isang mabait na tao at “professional” na media practitioner.
“Kahit nag-aaway kami sa radyo dahil sa magkaiba naming pinaniniwalaan, magkaibigan pa rin kami. Ang trabaho ay trabaho at ang personal na buhay ay labas sa trabaho. Ganon siya ka-professional,” sabi ni Espinosa.
Sina Solinap at Espinosa ay dalawa lamang sa maraming mga mamamahayag na mula sa probinsya ng Sultan Kudarat at South Cotabato na dumalaw sa burol ni Paciete ngayong-araw sa bayan ng Surallah.
Nagbigay din ang ibang mga taga-radyo at mga peryodista ng kanilang mga pakikiramay at mensahe para kay Paciete. ##