[Ni: Sid Samaniego]
ROSARIO, CAVITE — Agaw-pansin ngayon ang isang tricycle driver sa bayan na ito, dahil sa nakakatuwa nitong pakulo sa mga pasahero.


“Libreng Sakay sa Tricycle ko, Ngayong Araw ng mga Puso”, ang kanyang alok sa pasahero, kung saan ipinagdirawang natin ang araw ng mga puso.
“Alam ko kahit sa maliit na pagkakataon na ito na dumaranas tayo ng suliranin sa pandemiya ay makatulong ako sa aking mga kababayan higit sa dalawang pusong nagmamahalan, na mailibre sila ng sakay sa aking tricycle lalo na ngayong araw ng mga puso”, kwento ng 44 na taong gulang na si Vergel G. Faustino, naninirahan sa Brgy. Bagbag 2., may asawa at 2 anak.

Nakatawag-pansin naman ito kay Rosario Public Employment Services Office (PESO) OIC na si Mike Del Rosario kaya inalok niya ang driver ng tulong para sa panggasolina at pagkain nito.
“Dati rin akong tricycle driver, kaya ramdam ko ang ginagawa niya. Nakaka-proud siya at naisip niya ang ganitong libreng-sakay sa dalawang pusong nagmamahalan. Kaya naman, kahit sa konting halaga ay makatulong ako sa kanya”, pagsasalaysay ni Del Rosario.


“Sana ALL…. Lahat ng tricycle driver ay ganito”, dagdag pa ni Del Rosario.
Si Vergel ay 8 taon ng nagtatricycle at kumikita siya ng 700 bawat araw. Kilala si Vergel bilang isang mabait at masayahin tao. ###
0 comments on “LIBRENG SAKAY SA TRICYCLE, ALOK NG ISANG DRIVER NGAYONG ARAW NG MGA PUSO”