[Ni: Sid Samaniego]
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!ROSARIO, CAVITE: “Ang bangu-bango… Ang bangu-bango… Ang bangu-bango ng bulaklak. ‘Pag inaamoy, ‘pag inaamoy, ‘pag inaamoy, kay sarap. Ang bangu-bango, ang sarap-sarap, amuyin ng bulaklak….”
Mga linyang hinding-hindi malilimutan sa tuwing maririnig ang awiting “bulaklak” na pinasikat ng grupo Viva Hot Babes.
Tanging pagtitinda lamang ng sampaguita ang ikinabubuhay ni Remarie Batugal, 23 taong gulang, may asawa at 1 anak. Tubong Cagayan Valley at kasalukuyang naninirahan ngayon sa Brgy. Bunga, Tanza Cavite.

Nagbuhat pa sa San Pedro, Laguna ang mga itinitinda niyang sampaguita. Dumarayo pa siya dito upang mamakyaw ng bulaklak.
Katuwang ang kanyang asawa na si Jorsen Gracilla ay magdamag nilang inaayos ang ititindang sampaguita.
Ibababad sa maraming yelo upang mapanatili ang magandang katangian ng bulaklak. Kahit abutin pa ito ng ilang araw. Gamit ang panaling abaka na may habang pangkwintas sa leeg na inilusot sa butas ng bulaklak. At lagyan pa ng dahon ng ilang-ilang bilang dekorasyon sa ilalim na bahagi nito na tila kwintas.
Maingat itong inihihiwalay sa bawat taong bumibili.
Dating kahera sa kantina sa Maynila si Marie. Dito niya rin nakilala ang kanyang asawa na si Jorsen.
Lumipas ang maraming oras at taon, napadpad silang mag-asawa sa Cavite kasama ang solo nilang anak.

Taong 2020, nang pinasok niya ang paglalako ng bulaklak na sampaguita. Dito n’ya nakita ang magandang kita sa sampaguita. Kumikita lang naman siya ng halangang 2000 piso bawat araw at halagang 3000 piso kung araw ng linggo.
Hindi maitatanggi ang iniiwang mabangong amoy ng sampaguita. Nakakatawag-pansin ito sa mga tao.
“Basta masipag ka lamang at mahaba ang tiyaga at pasensya tiyak kong hindi ka magugutom”, mensahe ni Marie.
Ilan lamang si Marie sa mga taong laman ng kalsada. Hindi kung anupaman. Kundi upang maglako at magtinda ng mabangong sampaguita mabuhay lamang ang kanyang pamilya. #DM