ESPESYAL TINIG Ni: Rex Molines

KWARENTA DIAS (40 Araw): Ano’ng meron sa 40 Araw ng Pagpanaw?

Sa simula ng pamamaalam o pagpanaw ng ating mahal sa buhay ay sinisimulan nating paghandaan ang tinatawag na 9 Araw o “pa-Siyam” kung tawagin ng mga Katolikong kristiyano. Sa ika-9 na araw ng namayapa nating kamag-anak ay ating ipinagdarasal ang kanyang kaluluwa na mapayapang maglakbay patungo sa kaluwalhatian ng Diyos at ating tinitirikan ito ng kandila mula sa unang araw ng kanyang pagpanaw. Ang mga nagsasagawa nito ay mga magdadasal na may kaalaman sa pagbibigay panalangin at respeto sa kaluluwa ng namayapa. Karaniwan ay ang mga matatandang nagsisilbi sa Simbahan.

Matapos ang 9 Araw, atin namang pinaghahandaan ang pang 40 Araw o Kwarenta Dias. Kung hindi ka kabilang sa tradisyong ito, panigurado hindi mo ito mauunawaan. Kaibigan, nasa Bibliya ang kasagutan.

Ano’ng meron sa Kwarenta Dias o 40 araw?

Tinutukoy sa Bibliya na ang bilang na apat napu (40) ay may malaking kahulugan at kabuluhan na dapat nating bigyang importansya. Base sa Genesis 7:4, nagpaulan ang Diyos sa lupa at nagdulot ito ng pagbaha na tumagal ng 40 araw at 40 gabi sa panahon ni Noah. Sa Genesis 25:20, apat napung taon si Isaac na mapangasawa niya si Rebecca. Apat napung araw ng embalsamohin ang katawan ni Jacob ayon sa kaugalian ng mga taga Ehipto (Ge. 53:3). Si Moises ay nasa Mt. Sinai sa loob ng 40 araw (Exo. 24:18) at nakasama niya ang Diyos. Apat napung taon naghari si David sa buong Israel bago siya namatay (1Kings 2:11). Nag-ayuno si Jesus ng 40 araw pagkatapos ng kanyang Binyag (Matt. 4:2), at 40 araw nanatili sa lupa si Jesus bago umakyat sa langit (Acts 1:3), at marami pang iba na hindi batid ng karamihan sa atin.

Ang mga mula sa tradisyon ng Eastern Orthodox ay gumagamit ng balangkas na ito para sa kanilang sariling mga alaala.

Paglalakbay ng Kaluluwa sa loob ng 40 Araw

Sa Russia, ang 40 na bilang na ito ay nauugnay sa mga tradisyon ng pagano. Ang 40-araw ay isang pagkakataon para sa paghuhukom sa harap ng Diyos. Sa madaling salita, ang kaluluwa ay nakumpleto na ang kanyang paglalakbay upang mapuntahan ang dapat niyang puntahan at kanyang napagtagumpayan ang maraming hadlang sa kanyang patutunguhan.

Ang kaluluwa ay dumadaan sa lupang panghimpapawid, na tahanan ng mga masasamang espiritu. Tinangka ng mga espiritung ito na kaladkarin ang kaluluwa sa impiyerno, at ang kaluluwa ay kailangang makahanap ng lakas upang manatili sa Diyos. Ito ay isang paghatol ng mga kasalanan ng kaluluwa. Sa pagtatapos ng 40 araw, matatagpuan ng kaluluwa ang lugar nito sa kabilang buhay.

Sinasabi na ang ligaw na kaluluwa ay ang mga kaluluwang hindi matahimik sa kanilang biglaang pagkamatay. Maaring may nais pa silang tapusin sa lupa kung kaya’t karamihan sa atin ay nakararanas ng pagpaparamdam sa pamamagitan ng paggalaw ng mga gamit, mga gamit mo na biglang napupunta sa ibang bahagi sa loob ng inyong bahay, may mga pagbulong din sa ating tainga, at madalas ay nagpapakita sa ating mga panaginip. Kaibigan, sa totoo lang, ang mga namayapa na kailanman ay hindi na maaring mang-abala pa sa ating mga buhay sapagkat sila ay masaya ng naglalakbay sa dapat nilang paroroonan. Huwag natin silang katakutan.

Tradisyon at Pamamaraan ng pagsasagawa ng 40 Araw

Maraming pamamaraan ang maaring isagawa sa paghahanda ng 40 Araw o Kwarenta Dias, ilan nga rito ay aking mga nabanggit sa itaas. Dito nagsasama-sama ang mag-anak at mga kaibigan ng namatay upang alalahanin ang mga kabutihang idinulot ng namayapa. Naghahanda ang pamilya ng mga pagkaing madalas ding kainin ng namayapa, nag-aalay ng dasal o padasal upang bigyang respeto at katahimikan ang kaluluwa nito. Ito ay napakahalagang gawain o maituturing na ritwal ng mga Katoliko upang magbalik-tanaw sa pag-alala sa kani-kanilang namayapang mahal sa buhay.

Batay sa mga iba’t ibang tradisyon sa pagsasagawa ng Kwarenta Dias, ang kaluluwa ng isang tao na namayapa na ay hindi niya batid na siya ay pumanaw na. Kung ang namayapang tao ay nakagawa ng mabubuting gawain sa kapwa, ang kaluluwa nito ay agad na makatutungo sa kaharian ng Diyos. Ngunit kapag ang tao ay namatay sa kasalanan, maaring hindi ito agad na makakarating sa dapat niyang puntahan. #RBM

DIYARYO MILENYO is a free and independent online media outfit that publishes events happening in the local communities and current issues that matter to the public with local, national and global implications. DIYARYO MILENYO is composed of volunteer journalists and community writers scattered in various parts of the Philippines. They report the news right and where it happens. It adheres to the standards and ethics of journalism. It imposes strict rules against attacking someone. Strictly adhering to publish good news only.

2 comments on “KWARENTA DIAS (40 Araw): Ano’ng meron sa 40 Araw ng Pagpanaw?

  1. Nakikiisa po ako sa pagdarasal para sa inyong yumaong ama🙏
    Gayundin, ang aking paghiling ng dasal para sa aking yumaong ina.
    Nais ko rin po sanang magtanong kung ano ang eksaktong petsa ng ika40 days po ni nanay,
    August 26,2021 at 3:45pm po siya namatay
    Naguguluhan po kc kami sa tamang petsa ng pagbilang,,kailan po ang tamang petsa ng ika 40 days po ni nanay?

    Like

  2. Maraming salamat sa inyong pakiki-simpatiya. Ukol sa inyong katanungan, kung kelan ang araw ng kanyang kamatayan doon po ang simula ng pagbibilang ng ika-40 days ng inyong nanay. Ingat po lagi, KaMilenyo.

    Like

Comments are closed.

%d bloggers like this: