Limang araw na lamang, atin nang makakamit ang karapatang bumoto.
Ang araw na pinakahihintay ng lahat para ipanalo ang karapat-dapat sa pwesto.
Marami na tayong pinatuyan, marami nang hinarap na hamon ang ating mga kandidato.
Mula sa mga lokal na tumatakbo hanggang sa nasyunal na pagkilos.
Minsan na rin tayong nakipagtalo sa ating mga kaibigan, katrabaho at kapamilya na nagdulot ng hindi pagkakasundo’t pagkakaunawaan dahil sa pagkakaiba-iba natin sa pagtanggap ng ating mga napipisil na iluklok sa bayan. Ngunit pinipili pa rin natin na irespeto ang bawat isa para sa kaayusan ng lahat, sapagkat, sa huli, isang kandidato lamang ang mananalo sa panguluhang pwesto na siyang mamumuno sa ating lahat sa susunod na anim na taon.
Sa pagpili mo ng iyong iluluklok sa pwesto, nawa’y maging aral sa atin ang mga nagdaang pagsubok sa ating bayan at mula nang pumasok ang pandemya sa bansa at sa buong mundo na nagpatindi ng ating mga pinagdaanan sa buhay.
Napatunayan na natin na tayo ay tumitindig sa kung ano at sino ang ating isinisigaw, ginigiliw at tinatanaw. Piliin nawa natin ang tama at totoo sa pagluklok ng ating itatalagang mga bagong lider ng bayan.
KaMilenyo, paka-isipin mo na hindi lang ito laban ng kandidatong ninanais mong iluklok. Bagkus, ito ay laban nating lahat para sa bayang tiklop sa kamalayan at uhaw sa katotohanan.
Sa mga huling araw na natitira para ikampanya ang ating pinipiling mga kandidato, dapat lamang na batid mo na, kung sino ang iyong pinipiling markahan sa balota sa darating na Mayo Nuwebe.
KaMilenyo, ang kapalaran ng ating bayan ay naka-angkla sa iyong pagboto. Huwag mo itong sayangin, ‘wag ipagsawalang-bahala. Mahalaga ang boto mo, KaMilenyo. BUMOTO KA! PARA SA BAYAN, HINDI SA PANSARILING INTERES LAMANG.
0 comments on “KAMILENYO, BUMOTO KA! Boto Mo, Kinabukasan ng ating Bayan”