[Ni Sid Samaniego]
ROSARIO, CAVITE: Punung-punong ng maraming kwento ang ilog at tulay na ito. Kung bakit tinawag itong malimango, iisa ang sagot ng mga nakausap nating matatanda. Diumano’y dahil sa masaganang alimango na nahuhuli dito noong araw.
Sikat ang lugar na ito noon, dahil dinarayo ito ng mga namimintol upang manghuli ng alimango.
Diumano, sa tuwing hinahango nila ang bintol ay umaabot ng hanggang 3 at 5 piraso ang nahuhuling alimango sa bawat hango.


Tila hindi raw nauubusan ng alimango ang ilog na ito noon.
Ito ang tunay na dahilan kung bakit tinawag itong “Malimango River” at “Malimango Bridge”.
Hindi lamang alimango ang nahuhuli noon dito, maging ang talangka, kuhol, dalag, hito, at tilapia.


Ang tubig sa ilog na ito ay nagmumula sa patubig ng National Irrigation Administration (NIA) para sa mga magbubukid. Mula sa Prenza (water irrigation) sa Gen. Trias dadaloy ito sa daang-patubig sa loob ng Epza na noon ay bukid pa lamang at lalagos ang patubig dito sa ilog ng malimango. Dadaloy ito hanggang sa dagat na malapit sa duluhan ng Sitio Truz ng Brgy. Ligtong 4, katapat ng dulong bahagi ng Mountsea Resort.
Ang tulay ng malimango ay makikita sa Daang-Tramo na nag-uugnay sa Brgy. Bagbag 1 (kaliwang bahagi), Brgy. Tejeros Convention (kanang bahagi) at Brgy. Ligtong 3.
Habang ang isa pang tulay ng Malimango ay makikita sa kahabaan ng Daang-Marseilla na nag-uugnay naman sa Brgy. Ligtong 3 (kanang bahagi), Brgy. Ligtong 2 (kaliwang bahagi) at Brgy. Bagbag 1.



Subalit sa paglipas ng maraming panahon ay unti-unti na itong nagbago.
Ang mga kwento na lamang ng matatanda ang magsasariwa sa magandang nakaraang alaala.
Ang istoryang ito ay mga pinagtagpi-tagping kwento ng nakakausap ng may akda. Layunin lamang nito na maibahagi sa mga bata bilang karagdagang kaalaman na sa paglipas ng panahon ay sila naman ang magkukwento sa alaala ng nakaraan. ###