
BERSO: HILING NG ISANG ANAK
[Ni: Gng. Maria Dolores C. Santos]
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!Bulong ng puso ko ay inyo sanang dinggin.
Tila ba pati ang langit ay di dinig aking panalangin.
Puso ng isang batang ama man ay di inangkin.
Gayundin ang aking ina na ‘di mahal sa akin.
Bakit nga ba ganito ang aking damdamin?
Mukhang ako ay napopoot sa mundo natin.
Maraming katananungang sa isip ko’y walang tigil.
Pakiusap, Panginoon ako’y tulungan sa aking daing.
Nais kong maunawaan bakit magulang ko ay wala?
Lumaki lamang ako sa piling ng aking lolo’t lola.
Noong bata ay ayos pa, pero nang tumanda ay nagtataka.
Nasaan nga ba sila, bakit ako ngayon ay nag-iisa?
Masarap noong una sapagkat ako’y puspos ng biyaya
Lahat ng nais ay nakukuha at ibinibigay nila.
Ngunit habang nagkakaisip sadyang ako’y napapaisip.
Aruga ng isang ina at ama ay hindi ko nadarama.
Ganito ba kapag ika’y di pinanindigan ng iyong ama?
Kulang sa pansin, naghahanap ng makakapiling,
Nang makakasama sa lungkot at lalo na sa ligaya.
Panginoon ako’y haplusin nang galit ay magmaliw.
Akin namang nauunawaan, ngunit nagtatanong pa rin.
Ama kong mahal, bakit pangako mo ay ‘di tupdin.
Ako ba’y ‘di mo mahal o sadyang ika’y may dahilan.
Ipaliwanag mo naman nang aking maintindihan.**