[Ni Sid Samaniego]
ROSARIO, CAVITE: “Marami na akong napagsilbihan bilang isang barista, pangako ko sa Lolo ko na paguwi ko ng Pinas ipagtitimpla ko sya ng pinakamasarap na kape, siya naman ang pagsisilbihan ko”, isang pangakong binitawan noon ng dating OFW na si Kervin Cris Camingay Alberto, 32, binata, at panganay sa 5 magkakapatid.
Apat na taon ding naging barista si Kervin sa Riyadh, KSA. Bago niya naisipang magtayo ng sariling coffee shop na tinawag nyang “Kopi Mo”.


Hango ang pangalan ng kanyang shop sa isang brand name ng kape na “kopiko”.
Subalit ang pangako nya sa kanyang lolo ay tila bulang naglaho. Hindi na niya inabot itong buhay matapos na atakehin sa puso na naging sanhi ng kamatayan nito. Abo at litrato na lang ang kanyang dinatnan.



Taong 2021, buwan ng Mayo nang mawalan siya ng trabaho sa abroad dulot ng pandemya. Umuwi siya ng Pinas na may lungkot at takot.
Gamit ang kaunting perang naipon, naisipan ni Kervin kasama ng kanyang kasintahang si Jenina Magpuri na magtayo ng isang coffee shop. Ang dating maliit na bodega ng kanyang lolo ang ginawang shop.
Ginawa ang napaka-simpleng kapehan na may dalisay na sangkap at sarap na pamilyar na timpla nito. Hatid nito ang hindi malilimutang karanasan sa habang-buhay.





Sa bawat pagdampi sa labi ng kape ay may positibo at pagsang-ayon sa ganda ng buhay. Sa bawat timpla ng baristang si Kervin ay iaalay niya ang pagnanasang matikman ng sinuman ang hatid na panlasang espesyal.
Sa inyong pagtulog at paggising ay hatid pa rin ang karanasang mahirap makalimutan. Dahil sa kapeng ito na tinimpla ng isang barista na punung-puno ng pagmamahal.
Kumikita si Kervin ng 2,000 piso bawat araw. Hindi masama para sa katulad niyang bagito sa pagnenegosyo.
Habang ang kanyang pangarap para sa lolo ay nakalutang na lang sa alapaap.**