Bungkalin, Araruhin, Itanim, Anihin

Read Time:4 Minute, 10 Second
Ronel S. Franco, Master Teacher I
San Vicente Elementary School, SDO Nueva Ecija

Bukas, bago pa sumikat ang araw…

Mula sa mga luntiang palayan, natatanaw ko siya. Malayo man pero ramdam ko ang hirap na kanyang pinagdaraanan. Mula sa mga mapuputing buhok nito hanggang sa kanyang mga kulubot na mga balat. Mga ngiting alam mong bakas ang pagod pero pilit ikinukubli ng kanyang mga mapupungay na mata. Sa bawat pagsilay ng sikat ng araw at pagyapos ng sariwang hangin sa mukha niya pipilitin ko. Pipilitin kong iahon ang kanyang mga paang naninilaw na sa kalawang ng putik. Pipilitin kong mahawakan ng kanyang mga kalyadong kamay ang ginhawa ng buhay. Ako si Angelo nasa ika-limang baitang pero sa edad kong labinglima, mas malabo pa ata sa kulay ng putik ng pinitak na minsan isang araw maiaalis ko si ama sa ganitong sitwasyon.

Tila kasabay ng pagputok ng pandemya ay kasabay na din ng pagtigil ng lahat. Tumigil ang mga pangarap na sana kahit sa palagay ko ay mahirap mangyari ay lalo pang pinapatunayan na walang lugar sa gaya ko ang maaliwalas na bukas. Dahil ayon sa huling mga tala sa Philippine Statistics Authority (PSA) hingil sa kahirapan ng bansa tinatayang sa unang bahagi ng taong 2021ay nasa 26.1 milyong mga Pilipino o 24 porsyento (24%) ang sinasabing kabilang sa mahihirap na kung ikukumpara sa datos noong 2018 ay mas tumaas ito ng 3.88 milyong mga Pilipino. Dahil na din sa hirap ng paggalaw, tila nakalimutan nadin ang gaya naming malayo sa kanayunan. Mahirap din ang daan patungo sa edukasyon. Nakakalungkot isipin na sa mga salitang “walang maiiwan” ay magmumukhang malayo ang distansya para kami ay makasabay. Distansyang unti-unting nagdikta upang ang gaya kong minsan nangarap ay tila mawawalan na ng pag-asa.

Sino nga ba ang hindi nakaranas sa hagupit ng pandemya? Hagupit na naramdaman natin sa iba’t-ibang paraan. May mga nawalan ng trabaho, nawalan ng mahal sa buhay at gaya ko nawalan ng pagkakataon. Pagkakataon na sana ito na magpapatigil sa araw-araw na pagpapastol ng kalabaw at pagbibilad sa tindi ng sikat ng araw at ulan sa pakikipagtanim ng palay. Minsan mapapaisip ka na lamang, sadyang hindi ata sumusunod ang tadhana kung paano ko ito gustong umikot at sa kung paano sana ito papabor sa isang tulad ko.

Nakakalungkot isipin na halos padapain kami ng pandemya. Dahil mula pa lamang nang naisabatas ang Rice Tarrification Law (RTL) na naglalayon sanang maiangat ang buhay at kalagayan ng mga tulad naming magsasaka ay tila kabaligtaran nito ang aming kinahinatnan. Dahil ayon sa Department of Agriculture ay naglalaro dapat sana sa P18 pataas kada kilo nito ngunit dito sa Nueva Ecija na tinaguriang Kamalig ng Bigas o Rice Granary ay walang nakakapagbenta ng higit sa P14 kada kilo. Ngunit ang mas masaklap pa rito kapag kami ang bumili ng bigas nasa P40 hanggang P50 ang kada kilo nito. Bagay na lalong hinahatak paibaba ang kagaya naming nasa laylayan.

Paano ko nga ba dapat simulan? Paano ko na nga ba susundan? Mga tanong na paulit-ulit at pabalik-balik na sa aking isip ay tumatakbo.

Tuyo at uhaw na ang lupang aming sinasaka mula nang itigil ni ama ang pagsasaka ng palay rito. Napakahirap nang taniman ng mga pangarap ang lupang di naman namin pag-aari dahil kami’y anak lamang ng mga nakikipagsaka. Sa mga oras na ito wala akong magagapas na kahit anong anino ng bagong umaga. Ni hindi ko din nasisilayan na may bukas pa bang naghihintay para sa amin. Hindi ko man lang marinig ang mga huni ng ibon na aking itinataboy sa t’wing paparating na ang pag-ani. Di kagaya mo ay malaya mong naipagpapatuloy ang iyong mga pangarap. Sana sa oras na naririnig mo ang lungkot ko ay maisip mo na sa kahit anong pagkakataon ang edukasyon ang tanging susi sa magandang pagkakataon.

Ito na nga ba ang magandang pagkakataon? Dahil makalipas ang mahigit sa dalawang taon ay narinig ko ang isang magandang balita. Oo, nakabalik na ang karamihan sa limited face to face learning na kung saan pinapayagan na ng Department of Education o DepEd ang pagbubukas ng klase. Kasabay din nito ay nagtungo sa aming lugar ang isang guro ng Alternative Learning System o ALS na kung saan ang mga kagaya kong out of school youth ay maaari ng magpatala sa susunod na panuruan upang maipagpatuloy ang aming pag-aaral.

Oo, hindi pa huli ang lahat. Dahil may bukas pa.

Kaya bukas bago pa sumikat ang araw at bago pa humalik ang mga sinag nito sa kalupaan ay unti-unti ko ng bubungkalin ang mga bagay na inakala kong ipinagkait sa akin. Sisimulan ko ng aararuhin ang mga pagkakataon naging mailap sa akin. Muling itatanim ang mga pangarap na sa tingin ko ay mag-aalis at magpapapawi sa mga paang nakababad sa kalawang ng putik kay ama. Nang sa gayon ay aming aanihin ang matamis na balang araw kasama ka. Dahil higit kailan man sa pag-usad na mga araw dapat walang maiiwan.

About Post Author

Diyaryo Milenyo

DIYARYO MILENYO is a free and independent online media outfit that publishes events happening in the local communities and current issues that matter to the public with local, national and global implications. DIYARYO MILENYO is composed of volunteer journalists and community writers scattered in various parts of the Philippines. They report the news right and where it happens. It adheres to the standards and ethics of journalism. It imposes strict rules against attacking someone. Strictly adhering to publish good news only.
Happy
Happy
0 %
Sad
Sad
0 %
Excited
Excited
0 %
Sleepy
Sleepy
0 %
Angry
Angry
0 %
Surprise
Surprise
0 %
Previous post <strong>Dogs Are Top Stress Reducers</strong>
Next post BANANA-QUE NI MOMMY LYRIA, SUPER PATOK SA MASA
%d bloggers like this: