
DON’T JUDGE THE “COOK” BY ITS COVER
[Ni Sid Samaniego]
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!ROSARIO, CAVITE: Para ganahan kang kumain, kailangan nang masarap na lutong ulam. Nakasalalay ang lasa at timpla nito sa isang mahusay na kusinero. Hindi man yunipormado para masabing kusinero, sapat na ang marinig ang wikang “nabusog ako”.
Ito ang katangiang taglay ng isang komikerong kusinero na si Wilfredo Perlas, 55 anyos, tubong Cavite.
Taong 1994 nang mag-umpisa siyang magluto ng iba’t ibang putahe. Nagtayo ng isang maliit na kantina sa merkado ng Rosario.


Maraming parokyano ang nahuhumaling sa paninda niyang ulam. Dahil may kakaibang lasa diumano ito kumpara sa iba. Abot-kaya rin ang presyo nito kaya madalas nauubos agad ang kanyang paninda.
Subalit ang matagumpay at masaya niyang karera sa pagluluto ay nahaluan din ng lungkot at kirot.
Ang mahal niyang asawa ay may mahal pa lang iba. Isa, dalawa, tatlo…hanggang walo pang pagkakataon ay pinatawad niya ito. Ika nga, ang bawat bagay ay may hangganan. Tuluyan na niyang kinalimutan ang asawang minsang ding naging parte ng kanyang buhay.
Sa 28 taon niyang pagluluto ay madalas siyang makumbira sa mga fiestahan upang magluto ng masasarap na putahe.
Tulad ng Bicol Express, Adobong Bicol, Paksiw, Menudo, Hamunado, Pininyahang Manok, Kare-kare, Mechado, Ginataang Tulingan, Seven Kinds, Sapsuy, Valenciana, Paelya at marami pang iba.
Isa lamang si Wilfredo sa maraming kusenero na hinahangaan dahil sa galing at husay nito sa pagluluto. Subalit ang katangian ni Wilfredo ay katulad din ng isang putaheng adobo. Sumasalamin sa pambansang ulam nating mga Pilipino. Hinahanap-hanap saan mang sulok ng mundo.
Ika nga, basta alagang kusinero, pagmamahal niya’y delisyoso’t sabroso. #DM
Photos: Epipanio Delos Santos Avenue