
Nang minsan mo akong iwang nag-iisa….
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!Mula sa isang masikip, dikit-dikit, patong-patong na pagkakasalansan. Marahang pinagmamasdan ng aking dalawang mata ang bawat paghipo, paghaplos, dahan-dahang pagyapos at pagtitig sa akin. Nakapananabik parang ako’y biglang mapapatili sa susunod na mga eksena. Ngunit madalas ang pagtatangkang inakala kong isa sila sa aangkin sa akin ay tanging panaginip lamang.
Tandang-tanda ko pa ang unang araw ng ating pagkikita. Noong una’y nagdadalawang isip ka pa kung sigurado ka na sa iyong desisyon. Nakakatawa ang mga unang eksena na pagtitig mo sa akin. Ngunit dala na siguro ng pagmamadali ay dali-dali mo akong kinuha mula sa matagal kong pagkakasadlak sa isang sulok ng tindahang ng libro. Pakiwari ko’y para akong preso na nakawala sa matagal na pagkakabilanggo sa malalaming na mga rehas ng bilibid.

Sa ilang minuto, oras at araw pa lamang ng ating pagkikita ay labis kang nanabik sa akin. Alam ko kahit hindi mo diretsong sinasabi sakin ay sabik na sabik ka sa bawat pagsasama natin. May mga pagkakataon pa nga na namamangha ka sa natutuklasan mong sikreto ko, natatawa sa mga iilang sinasabi ko sayo, naiiyak sa mga pinagdaan ng buhay ko. Oo, dahil sa sobrang pag-aalala ay binalutan mo pa ako ng plastik. Plastik na magsisilbing proteksyon ko sa ano mang babalang nakaambang mangyari sa akin.
Ilang araw din ang nagdaan. Ang dating kinis ng aking balat ay unti-unting gumaspang dahil tanging ang alaga n’yong aso na lamang ang nagbubuklat ng aking mga pahina. Pahina na magmumulat sa iyo mula sa kawalan. Tanging ang mga ipis na lamang nagsasayang kasama ako. Ang masaklap pa nito, narito ako ngayon nagsisimulang pagpyestahan ng mga anay na sisira sa akin.

Anay na siyang pagmumulan ng kamangmangan ng karamihan. Nakalulungkot mang isipin na 9 sa bawat 10 na nasa edad sampung taong gulang ay hirap magbasa at umunawa ng simpleng kuwento, ayon ito sa ulat ng World Bank bagay na dapat ay binibigyang halaga ng pamahalaan. Dahil kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon mauulit at mauulit ang ganitong karaniwang kuwento. Hindi ako magugulat na isang araw ay lalamunin ka ng mga fakenews na lagi mong nakikita sa social media. Tandaan mong ang kasaysayan ay hindi isang tsismis. Hindi ang isang Marites ang sumulat ng nakaraan. Ito’y isinusulat batay sa katotohanang pangyayari at sinusuportahan ng iba’t-ibang datos na magpapatunay sa katotohanan.
Tama ka! Kagaya ng mga katulad ko ay pare-pareho lamang ang magiging kahahantungan namin. Pasasaan ba’t ang istoryang ito ay naging istorya nadin nang iilang kagaya ko. Alam ko nang dahil sa aking pabalat ay nabighani kita, nang dahil sa mga makukulay kong larawan ay napansin mo ako. Ngunit nang minsang dumating ang bago mong gadyet ay tanging sya na lamang ang inatupag mo. Kung sa bagay ganyan naman kayo. “Puro kayo pa-fal,l mga pa-asa!”
Umasa ako na isa ka sana sa mga inaasahan naming magpapalawig ng kaalaman, tutuklas nang bagong pag-asa, magsasariwa ng nakaraan at tutulong sa amin na mahikayat ang mga kabataang tulad mo na pansinin kami. Ngunit ang salitang pag-asa ay napalitan nalamang nang umasa.
Ngayon narito akong muli, nasa isang masikip na sulok ng inyong tahanan. Kasama ang mga dikit-dikit na gamit mo na minsan mo ding pinagsawaan. Nasa ilalim nang patong-patong na agiw na pakiramdam ko’y gagapos sa aking pag-asang makalaya at magpalaya nang kamangmangan. Mula sa sulok na ito, nawa’y may isang katulad mo na mangahas na humipo, humaplos, sumalat at mabanaag ang kahalagayan ng kagaya kong aklat. Aklat na syang tanging magbibigay nang sapat na kaalaman. Hindi lamang para saiyo bagkus sa mga kagaya mong uhaw sa dunong at nakagapos sa kamangmangan.
Marami pang taon ang magdadaan, buwan na lilipas at araw na sisikat. Ngunit ang alam ko isa lamang ang mananatili. Nawa’y hindi ko man nagawang makapagbahagi ng kaalaman, hindi ko man natapos ang tungkulin ko ngunit umaasa ako. Umaasa na sana isa sa mga kagaya ko ang magdurugtong at pagpapatuloy sa nasimulan ko. Narito ako at mananatiling umaasa. ###
[photo credit to: Maam Ivy Rose V. Hipolito and Maam Anna Lorraine Franco]