Mata’y nakapikit
Tenga’y nakatakip
Binusal itong bibig
Ng mga mapaglabis
Sila’y nagpupunyagi.
Mga nagbibingihang Tiririt,
Tila’y nagagalak pa sa sinapit
Ng may pinupunto’t sinasambit.
Nakapanlulumo,
Isa na namang tagapagmulat
Ang tuluyang pinatumba
Wala pa ring nakababatid
Sa tunay niyang sinapit.
Kung may tenga lang ang lupa
Marahil narinig na natin
Yaring katotohanang ipinagkait
Ng mga humuhuning Tiririt
Na sa kaniya’y galit.
Nakababahala na itong pagkitil
Maraming buhay na ang kinitil
Kailangan na nating maningil,
Hustisya! Hustisya! Hustisya!
Isinisigaw nito’y kalinawa’t pag-asa
Na kahit tikatik ng ulan ay aabangan
Kung ang paglilitis may kabagalan
Patuloy na Aasa, Hindi mapapagal.
Kung ang hustisya ay nakatutulog,
May dahilan ba tayo para makalimot?
Kawawang huni
Ng mga Bulag, Piping Tiririt,
Pangisi-ngisi sa kanilang paligid
Hindi batid ang tunay nilang nililigalig.
Kawawang Tiririt,
Buhay kinikitil, hindi nag-iisip,
Tagasunod ng baliw nilang manlulupig
Doon sila’y patuloy na kumakapit.
Sana sa iyong paghuni Tiririt,
Iyong masambit,
Katotohanan ay huwag ipagkait.**
Ni Mo Rexter
100422
**Photo is not mine. Credit to the owner**