
31 Patay sa pananalasa ng Bagyong Paeng sa Maguindanao – BARMM exec
MAGUINDANAO — Patay ang tatlumpu’t isa katao sa Maguindanao matapos manalasa ng bagyong #PaengPH na nagdulot nang matinding pagbaha at pagguho ng lupa, ayon sa official ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngayong Biyernes ng hapon, Oktubre 28.
Sa isang interbyu na nakalap, sinabi ni BARMM Interior and Local Government Minister Naguin Sinarimbo na 16 sa mga nasawi ay natukoy sa Datu Odin Sinsuat, 10 sa Datu Blah T. Sinsuat, at 5 sa Upi kaninang alas 3:00 ng hapon.
“Ang number natin sa ngayon ay nasa 31 na po tayo, ang fatalities natin. Sa Datu Blah Sinsuat, may 10 po na reported dyan, and meron tayo sa Datu Odin Sinsuat na 16, and meron tayong five na fatalities sa Upi,” saad ni Sinarimbo sa isang interbyu sa GMA News Online.
Samantala, patuloy ang rescue and retrieval operations sa lugar na ito ayon kay Sinarimbo.
Naghahanda naman ang mga personnel mula sa Philippine Army and Bureau of Fire Protection para sa isasagawang operasyon doon.
Sinabi pa ni Sinarimbo na may nawawala pang anim na tao sa pagguho ng lupa at ang nagpapatuloy na pagbaha-pagguho ng lupa roon.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ring nakararanas ng pagbaha sa ilang bahagi ng Cotabato City na umaabot na hanggang sa bubong ng mga kabahayan.
Apektado rin ang mga lugar ng; Parang, Sultan Mastura, Sultan Kudarat, Cotabato City, Datu Odin Sinsuat, Dati Blah Sinsuat, Upi, South Upi, Northern Kabuntalan, at Guindulungan. RBM