ROSARIO, CAVITE: “Kailangan kong makapagtapos ng pag-aaral upang matulungan ko ang aking sarili, ang aking kakambal, at ang aking ina”.
Ito ang malumanay na salitang binitawan ng isang Person with Disabilities (PWD) na grade 10 student ng Bagbag National High School na si Jovic Francisco, 17 taong gulang, kasalukuyang naninirahan ngayon sa Kalye Butas, Brgy. Tejeros Convention ng bayan na ito.
Si Jovic ay pumapasok na naka-wheel-chair. Hatid-sundo araw-araw ng kanyang kakambal na si Jomari Francisco na pansamantalang tumigil sa pag-aaral.
Ayon sa ina ng kambal na si Marivic Lagonoy Francisco, 59 taong gulang na single mom na tubong San Jose Dulag Leyte, ipinanganak niya ang kambal sa Lyin-in sa Cavite City. Habang lumalaki na ang kambal ay nakitaan niya ng kakaibang pagkilos si Jovic. May sakit na polio si Jovic…
Sa panayam ng may-akda sa guro na si Bb. Edith Gilera ng BNHS, lubos niyang hinahangaan si Jovic.
“Matalino ang batang iyan. Kaya niyang makipagsabayan sa kanyang mga kaklase”, pagmamalaki ni Teacher Edith.
Kahit na imposibleng makalakad si Jovic, minimithi pa rin niyang maging isang normal at maranasan ang maglakad at tumakbo katulad ng isang pangkaraniwang tao.
Nagiging katuwang din ni Jovic ang kanyang mga kaklaseng lalaki sa pagbubuhat ng kanyang wheel-chair sa tuwing aakyat at bababa ito ng hagdanan ng kanilang paaralan.
May itinatagong talento sa pagdrawing ang estudyanteng si Jovic. Pangarap niyang makapagtapos ng Information Technology balang araw.
Samantala, wish naman ni Nanay Marivic ngayong paskong darating na sana’y walang sakit na dumapo sa kanilang pangangatawan. Maging malusog, masaya, at sama-sama silang mag-iina.
Hindi ang kanyang kapansanan ang lubhang nakakatawag-pansin. Kundi kung paano niya sinusuong ng buong tapang at tibay ng determinasyon ang bawat araw sa pagpasok sa paaralan habang naka-upo sa upuang de-gulong na itinutulak ng kakambal upang unti-unting tinutupad ang kanyang pangarap. ###