Patuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Customs (BOC) sa nangyaring seizure operations sa stocks ng asukal sa mga warehouse at pantalan, ayon kay Bureau of Customs (BOC spokesperson Arnold dela Torre.
Aniya, apat na insidente mula sa sunod-sunod na pagbisita sa warehouse nitong nagdaang Agosto na kasalukuyang dumadaan sa imbestigasyon na nagkakahalaga ng may kabuuang 289 million pesos.
Dalawa dito ay nasabat mula sa mga warehouse at dalawa naman sa pantalan.
Ayon pa kay Dela Torre, sa isinasagawang imbestigasyon ay dito malalaman kung ligal ba o iligal ang naturang mga suplay ng asukal. At sa oras na mabatid ang ligalidad ng nasakoteng suplay ng asukal, saka naman magsasampa ng kaso ang customs sa Department of Justice (DOJ).
Nitong nakaraang Oktubre, nasabat ng BOC – Manila International Container Port (BOC-MICP) ang 76 containers ng smuggled na asukal na nagkakahalaga ng P228 million.
Natuklasan ang mga container ay may lamang 1,906 metric tons ng cane refines sugar mula sa Thailand.
Naglabas na rin ng Warrant of Seizure and Detention laban sa naturang shipment dahil sa kakulangan ng clearance para sa pagpapalabas ng imported sugar na lumalabag umano sa Sections 117 at 1113 ng Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernizaton and Tariff Act.
Sa mga nagdaang pag-uulat, ilang buwan lang ang nakalipas ay sunod-sunod ang ginawang pagbisita ng Customs sa iba’t ibang imbakan ng asukal sa bansa matapos pumutok ang balita na nagkakaroon ng hoarding ang mga supplier para mapataas ang presyo ng asukal. Ilan dito ay ang mga warehouse sa Caloocan, Quezon City at Bulacan. ###
[Photo: Philstar.com]