
Willie Revillame, bumuwelta sa mga mapanirang balita sa social media at ilang showbiz personalities
Matapang at palaban na Willie Revillame ang napanood sa Wowowin nitong Martes ng gabi, Pebrero 7, 2023.
Matindi ang buwelta ni kuya Wil sa mga netizen at ilang showbiz personalities na kanyang tinutukoy pero hindi muna niya ito pinangalanan.
Sakabila nang mga kaliwa’t kanang pambabatikos kay Willie Revillame ukol sa pagsasara ng ilang mga flag program tv shows ng ALLTV ito ang kanyang tugon;
“Hindi na ako matatakot sa inyong lahat! Laban na ito kung laban!”
“Masyado niyo na akong inaapi. Masyado niyo na akong sinasaktan. Hindi ako susuko sa inyo!
“I-vlog niyo ako bukas! Pagtulung-tulungan niyo ako, hindi ako natatakot! Yun ang gusto niyo? Okay lang, sige!
“Tirahin niyo ako araw-araw, minu-minuto, I don’t care! Kayo ang may utang na loob sa akin! Hindi ako! Tandaan niyo yan sa buhay niyo!”
“Bukas! Kahit ngayon, i-vlog niyo ako. Araw-araw ko din sasabihin kung sino kayo!” banta ni kuya Wil.
“At sasabihin ko ang mga pangalan ninyo, in time! Kung sino kayo!
“Sige, laban tayo. Basta huwag ninyo akong ila-libel. Magkakasuhan tayo. Mag-ubusan tayo, sige!”
Samantala, labis na nasasaktan si kuya Wil sa mga napapanood at nababasa niya sa social media kaugnay nang pagbulusok ng balitang pansamantalang isasara ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS) kung saan ay pati ang kanyang sariling programa diumano’y damay sa pansamantalang pagsasara.
Agad naman itong nilinaw ni kuya Wil na hindi pa siya kinakausap ng management ng ALLTV, ang TV network na pag-aari ni dating Senate President Manny Villar.
“Isipin ninyo ito. Para malaman niyo lang, hindi pa naman ako kinakausap ng ALLTV [management] na magsasara ang show.” saad ni kuya Wil.
“Wala pang sinasabi sa akin na magsasara. In fact, nagmi-meeting ho kami sa studio halos twice a week para matapos ang studio ng Wowowin sa Starmall.
“Ini-inventory na po ang mga ilaw, kung ano ang gusto ko. In fairness sa kanila, ‘Ano ba ang gustong LED ni Kuya Willie?’”
Nilinaw din ni kuya Wil na naka-pause lang din ang morning show ng ALLTV na M.O.M.S para ayusin ang signal at pataasin ang reach ng ALLTV.
Nagtataka naman si kuya Wil kung saan umano nanggagaling ang mga balitang pagsasara ng mga programa ng ALLTV at kung bakit ganun na lang ang pandudurog sa kanilang network sa social media.
“Nagagalit kayo sa amin, wala naman kaming kasalanan sa inyo.
“Nagagalit kayo sa akin, ako ang tinitira niyo, ni hindi naman nagsasalita ang ALLTV [management].
“Hindi naman ako ipinapatawag sa meeting na, ‘O, Willie, wala ka nang show.’
“Wala hong ganoon. E, pinangunahan niyo ho kami.”
“Alam niyo kasi yung 24 million subscribers ng Wowowin, hindi naman mahilig sa fake news yan. Hindi naman nagtete-text yan. Ani kuya Wil.
“Sino ang mga ganyan? E, di yung galit, di ba? May ginawa ba akong kasalanan sa inyo kaya nagagalit kayo?
“Mayabang ako? Bakit, nakasama niyo na ba ako? Nakasama ko na ba kayo ng 24 oras?
“Mayabang ako magsalita? Wala ho akong winalanghiyang tao. Lagi akong gumagawa ng paraan na makatulong sa mga kababayan natin.
“Hindi ako umiinom. Never akong nag-drugs in my life. Hindi ako naninigarilyo at alam ng lahat yan.
“Pero ngayon ho, kung titirahin niyo ako, titirahin ko rin kayo! Labanan na tayo ngayon! Sobra na kayo!” -RBM-