
3 Pinoy nawawala matapos ang lindol sa Turkey
TATLONG Pinoy ang napabalitang nawawala matapos yumanig ang magnitude 7.8 na lindol kung saan ay libu-libo na ang nasawi at mga sugatan sa Turkey at Syria.
“Unfortunately there are three Filipinas still missing from Hatay, one of the 11 provinces affected by the two earthquakes that hit us,” saad ni Weng Timoteo, vice president ng Filipino Community sa Turkey sa isang interbyu ng ANC.
Dagdag pa ni Timoteo na tatlong mga batang Pinoy din ang nawawala.
“One Filipino I was talking to just now said her friend’s (who’s also a Filipino) house really collapsed to the ground and she had three children there,” ani Timoteo.
Sa isang panayam ng dzMM kay Chery Santos, president ng Filipino Community sa Ankara, sinabi nito na isang Pinay ang pinaniniwalaang nasawi sa lindol ngunit kalaunan ay natagpuan itong buhay.
Aniya, ang napaulat na Pinay ay nasa loob ng gusali sa Hatay province kung saan tumama ang lindol.
Kasalukuyang inaalam pa ang bilang ng mga nawawalang Pinoy o kung may casualties kung saan ay hirap na rin makontak ang mga nawawalang Pinoy matapos yumanig ang lindol sa naturang bansa.
Samantala, lumapag na sa Istanbul, Turkey ang 83 Pinoy rescue team lulan ng Turkish Airlines Flight TK 85, Huwebes ng gabi 12:08 p.m., ayon sa Office of Civil Defense (OCD) Joint Information Center sa pamumuno ni Diego Agustin Mariano. #RBM