
TVJ, pwedeng mawala sa “Eat Bulaga” – Cristy Fermin
Maaaring mawala sa “Eat Bulaga” ang mga OG host na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon.
Ito ang isiniwalat ng batikang showbiz columnist na si Cristy Fermin, dahil may ‘internal problem umano ang longest noontime show.
Sa March 2 episode ng “Cristy Ferminute”, sinabi nito na may isang executive ang Eat Bulaga na gusto umanong tanggalin at magiging dahilan ito ng pag-alis ng mga host.
“Mayroon pong internal na problema na nagaganap sa programang ito. Hindi po kami magbabanggit ng mga pangalan pero meron po talaga at hindi naman kasi isang tao lang po ang nagpapatakbo o nagmamando ng Eat Bulaga. Ito po ay isang korporasyon, marami po sila dito sa Tape Incorporated. Maraming namuhunan, maraming magkasosyo,” chika ni Cristy.
“Pero ang balita, merong isa na mahal na mahal natin, isang ehekutibo na gustong tanggalin, sipain, sa pamamahala ng programa eh pinakamahal pa naman siya ng lahat,” dagdag pa niya.
Saad naman ng kanyang ka-tandem na si Romel Chika, haligi raw ito ng Eat Bulaga.
Bukod dito, binanggit din ni Cristy na bago pa raw magka-pandemya nagsimula ang umano’y isyu.
Aniya, walang matitirang host at sasama doon sa umano’y pinag-iinitan na producer.
Nang matanong naman si Cristy kung sino sa TVJ ang pinag-iinitan, tugon nito ay sila raw ang sasama.
“Sila yung sasama. Ayan ha binibigyan ko na kayo ng mga clue.” sagot ni Cristy.
Sakabila nang mga pahayag na ito, wala pang naging tugon ang TVJ at ang pamunuan ng Eat Bulaga hinggil sa usaping ito. ##
Source: OnePH