
TIGIL PASADA? TIGIL EKONOMIYA!
Ni Rick Daligdig
Tila mukhang wala nang urungan ang ikakasang tigil – pasada ng ilang grupo ng transport sector na kinabibilangan ng jeep at UV Express. Masasakop nito ang NCR, Calabarzon, Ilocos Region at Bicol Region. Ito ay nag -ugat sa napipintong pagphase out ng mga traditional jeepney na itinuturing na “Hari ng Lansangan” sa Hunyo 30,2023 upang bigyan daan ang isinusulong ng pamahalaan na proyektong Integrated Transport Modernization Program.
Mariing tinututulan sa pangunguna ng grupong MANIBELA at Laban TNVS ang nasabing deadline sa kanila sapagkat ito ay katumbas na rin ng pag aalis sa kanila ng kabuhayan nila. Hindi umano sapat ang panahon na ibinigay ng LTFRB para sila ay makabuo at maconsolidate ang individual franchise para makabuo ng isang korporasyon o kooperatiba. Isa pa inaangal ng grupo ang import dependent at napakamahal na mga bagong mini bus na umaabot sa halos 2.8 milyong piso kada unit.
Sa bangaan ng Land Transportation Franchise and Regulatory Board (LTFRB) at transport groups, malinaw na may isang sektor ang talagang magdurusa…. ito ay ang mga mananakay o commuters group. Kaya naman namagitan na ang Senado para hilingin na ipagpaliban muna ang deadline at repasuhin pa ang ilang isyu tungkol sa modernization program. Nakinig naman ang LTFRB at pinalawig ang deadline hanggang sa December 31,2023. Sa isang pahayag sinabi ng Pang. Ferdinand Marcos Jr.na pag usapan at plantsahin ang mga terms para maayos ang modernisasyon ng transportasyon. Sa panig naman ng DOTr,hinikayat nila ang transport group at LTFRB na bumalik sa table discussion at maglalagay ng representative ng DOTr sa kanilang pag-uusap. Ngunit sa kabila ng mga hakbang na ito, nanindigan ang grupong MANIBELA at Laban TNVS na tuloy ang tigil pasada ng halos 40,000 na mga jeep at UV Express.
Suportado naman ng Transport sector ang pagmomodernize sa kanilang hanay para maging eco-friendly at mabawasan ang carbon emission sa kapaligiran. Subalit, ang pinagtataka lang ng karamihan, bakit tila minamadali ng LTFRB ang proseso at dapat pang magbigay ng napakaikling deadline? Talaga bang masusing napag aralan ito o nakonsulta ba ang ibat ibang stakeholders? Sapat ba ang inisiatibo ng pamahalaan upang maalalayan ang transport sector sa proceso ng pagmomodernize at naisaalang – alang din ba ang mga mananakay? At higit sa lahat, HANDA ba ang pamahalaan sa programa na ito?
Ang sektor ng transportasyon ay mahalagang salik sa ekonomiya. Ang karaniwang mangagawa ay gumagamamit ng pampublikong transportasyon upang sila ay makarating sa kanilang mga trabaho.Bukod sa pagmomodernize ng transport sector, isa pang malaking problema ay ang traffic. Ayon sa pag-aaral ng JICA araw araw ay halos 3.5 bilyong piso ang economic cost na nawawala dahil sa traffic. Maganda sana ang modernization program dahil malulunasan din nito ang traffic subalit kung ang di pagkakasundo sa usapin na ito ay hahantong sa transport strike ay lalong makakaabala ito para sa ekonomiya dahil malamang may mga trabahante na hindi makakapasok sa kanilang trabaho. Isa pa na dapat ikonsidera ay kung ang modernization program na ito ay magdudulot ng pagtaas ng pamasahe na lalong magpapahirap sa hirap na nating kababayan. Ang usapin na ito ay hindi lang tungkol sa kung may masasakyan ang tao kundi magiging usaping ekonomiya sa lumaon.
Maganda ang hangarin ng transport modernization program. Subalit ang tanong ng bayan, nasa TIMING ba ang pagpapatupad nito? Sa harap ng napakataas na presyo ng mga bilihin dahil sa inflation,pagsirit ng presyo ng krudo, mga nagsisimula pa lang bumagon galing sa pandemya. Ito ba ang tamang panahon para dyan, LTFRB?
Sana ay magkaroon ng konting “Emphaty” ang pamahalaan sa transport sector natin. Sila ang unang sektor na unang sinapul at nilugmok ng pandemya at sila rin ang huling nakabalik na sektor. Kaya hinay hinay at wag tayong padalus-dalos sa mga hakbang natin. Sa panig naman ng transport sector sana ay madaan pa sa dayalogo ang mga issues na gusto nyong malunasan at huwag na sana humantong pa sa transport strike.
Photo: policefilestonite.net
-
S.
Nais ko munang bumati ng Happy Anniversary sa atin mga Ka-Milenyo. Asahan nyo ang aming hangarin na magbigay ng tama at totoong balita at impormasyon para sa inyo. Happy Anniversary!!!Cheers!