[L-R: DTI Secretary Fred Pascual, President Ferdinand R. Marcos Jr., Cong L-Ray Villafuerte]
PILI, CAMARINES SUR—Nitong 16 Marso 2023 ay pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasama ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Fred Pascual ang pagsasagawa ng ‘Kadiwa ng Pangulo’ Caravan sa Barangay Palestina, Pili, Camarines Sur. Ito ay alinsunod sa adhikain ng pamahalaan na mag-abot ng garantisado at abot-kayang halaga ng mga pangunahing bilihin sa mga mamimiling Pilipino bunsod ng kasalukuyang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa pandaig-digang merkado.
Katuwang ni Pangulong Marcos Jr., ipinahayag ni Secretary Pascual ang taos-pusong suporta ng DTI sa paglulunsad ng Kadiwa ng Pangulo sa mga karatig na probinsya ng Luzon. Ito ay may layuning siguruhin na makakarating ang sapat na supply ng Basic Necessities and Prime Commodities (BNPCs) sa murang halaga sa mga konsyumer. Kasunod ng mga matagumpay na paglulunsad ng naturang programa sa iba’t-ibang panig ng bansa, nais ng pamahalaan na pag-ibayuhin pa ang kanilang kampanya upang maihatid ang mga ani at produkto ng mga magsasaka diretso sa mga mamimili at mapababa ang presyo nito.
Sa sunod-sunod na paglulunsad ng mga Kadiwa caravans, makatutulong ito upang magkaroon ng permanenteng access ang mga mamimili sa mas murang produktong agrikultural gaya ng sibuyas at bigas at iba pang mga manufactured BNPCs. Sa pamamagitan nito ay mai-popromote din ang mga produktong gawa ng mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na siya namang sinusuportahan ng DTI.
Sa tulong ng Kadiwa ng Pangulo ay malaki ang matitipid ng mga mamimili dahil higit na mas mababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin dito kumpara sa mga supermarkets o pamilihang bayan. Ayon kay Pangulong Marcos Jr., bilang tugon sa positibong pagtanggap ng mga Pilipino sa Kadiwa ng Pasko na inilunsad noong Disyembre ay, napagpasyahan ng pamahalaan na ipagpatuloy ito na ngayon ay tinatawag nang Kadiwa ng Pangulo.
Sa isang pahayag, sinabi ni Secretary Pascual na “Ang Kadiwa ng Pangulo ay magiging mabisang instrumento ng DTI para mapalakas ang sektor ng agrikultura, mapababa ang presyo ng mga produktong agrikultural, at masiguro ang food at nutritional security ng bawat pamilyang Pilipino. Sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura, makapagbibigay rin ito ng mas maraming trabaho para sa ating mga kababayan.”
Bukod sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura, layunin din ng Kadiwa na suportahan ang mga maliliit na negosyo o MSMEs upang mailapit at maibenta ang kanilang mga lokal na produkto sa mga mamimili at mai-angat ang kalidad nito sa lokal at internasyonal na mekado na siyang magbibigay ng mas malaking kita sa kanila.
“Sa tulong na rin ng Kadiwa, mas matutukan ng DTI ang pagpapalago ng mga MSMEs na bumubuo sa malaking porsyento ng ating ekonomiya. Sila ang sektor na isa sa mga priorities natin sa DTI dahil sila ang pundasyon ng ekonomiya ng bansa. Layunin natin na mapalago pa ang kanilang kakayahan at mai-angat sa international level ang kanilang mga produkto. Bukod pa nga rito, mabibigyang lakas din ng Kadiwa ang mga manufacturers, kooperatiba, mga mangingisda, at iba’t-ibang sektor ng agrikultura, para sila ay kumita nang sapat at makagawa ng mga produktong maaaring i-export sa mga karatig na bansa,” dagdag pa ni Secretary Pascual.
Ang Kadiwa ng Pangulo ay tuloy-tuloy na magbubukas sa iba pang mga lugar sa pagtutulungan ng Office of the President, Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Food Authority (NFA), Local Government Units (LGUs), at iba pang ahensya ng gobyerno. Target ng pamahalaan na palawigin at paramihin pa ang Kadiwa caravans na ngayon ay tinatayang nasa 500 na.
“Hangga’t hindi natin nasisigurado na may pagkain sa hapag ng bawat mamamayang Pilipino, tuloy-tuloy na aaksyon ang pamahalaan katuwang ang DTI at iba pang mga ahensya ng gobyerno upang makapaglapag ng mga programang aalalay sa ating mga kababayan. Sa pagtutulungan ng iba’t-ibang mga ahensya na palakasin ang Kadiwa, ating tutugunan hindi lamang ang problema sa supply ng pagkain kundi ang pagbibigay trabaho sa mga ating mga kababayan,” saad pa ni Secretary Pascual.
Ang Kadiwa ng Pangulo Caravan sa Pili ay dinaluhan din nina DSWD Secretary Rex Gatchalian, DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, DND Secretary Carlito Galvez Jr., PCO Secretary Cheloy Garafil, DTI Assistant Secretary Dominic Tolentino, DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, Camarines Sur Governor Luigi Villafuerte, Congressman Miguel Villafuerte, Congressman L-Ray Villafuerte Jr., DTI Region 5 Director Dindo Nabol, at iba pang mga kawani ng pamahalaan. END.