“BAGONG PILIPINAS.” Ito ang bagong mukha at bihis ng brand of governance ng administrasyong Marcos para umano isulong ang mga plano sa paglago ng ating ekonomiya.
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!
Kamakailan ay inilunsad ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang kampanya ng “Bagong Pilipinas” sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 24 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Kaugnay nito, ang logo ng “Bagong Pilipinas” ay ilalagay sa bawat website, mga sulat at iba pang asset sa bawat ahensya ng gobyerno kung saan ay magsisilbi itong bagong inspirasyon sa pagtatakda ng pagbabago para sa ikauunlad umano ng bayan. Kaya napapatanong ngayon ang taumbayan kung magkano na naman ang ginastos sa bagong logo na ito?
Ayon sa mga pag-uulat, wala umanong ginastos sa bagong logo na ito para sa bagong simula ng administrasyon.
Ayon din sa mga eksperto, wala namang masama sa rebranding dahil bahagi ‘yan ng pagbabago, ngunit mas marami pa rin ang mas higit na dapat unahin kaysa sa pagpapalit ng mga logo na tila hindi pa nga nakaka move-on ang taumbayan sa pagpapalit ng logo ng PAGCOR ay heto na naman tayo. Meron pa ba’ng susunod?! Panigurado ‘yan!
Marami rin ang nagtatanong na aanhin ang bagong logo kung palpak pa rin ang serbsiyo ng gobyerno? Magiging “Bagong Pilipinas” kaya kung lumang mukha at sablay pa rin ang mga ininluklok ng nakakarami sa atin?
‘Di ba pwedeng atupagin ang pagtulong sa mamamayan kaysa pag-isipin ang taumbayan sa pagpapakita ng bagong tatak ng bawat ahensya o ng administrasyon? Sana alam natin ang ating layunin, hindi sa kung ano lang nais nating baguhin na hindi naman ‘yan pakikinabangan ng lahat.
Hindi naman sa bagong logo makikita, masusukat, at mararamdaman ang tunay na pagbabago bagkus sa kung paano kumikilos ang ating mga iniluklok sa bayan. Sa huli, tayo-tayo rin ang mahihirapan kung mali ang ating pamantayan sa tunay na kahulugan ng ‘Bagong Pilipinas’.