Ni Rick Daligdig
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!
Sa darating na Lunes [Hulyo 24, 2023] ay muling mag-uulat ang Pangulo ng Republika ng Pilipinas, Ferdinand “Bongbong” R. Marocs Jr., sa taong bayan hinggil sa kanyang mga nagawa sa bayan sa pamamagitan ng State of the Nation Address (SONA). Ito rin muling pagbubukas ng sesyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso; ang Senado at Kamara de Representantes.
Ang SONA ay isang paraan para malaman ng mga mamamayan ang mga naging accomplishment ng kasalukuyang administrasyon at para ipaalam din ang mga susunod na plano at direksyon ng gobyerno sa aspetong ekonomiya, edukasyon kalusugan, foreign relations, atbp. Sa nakalipas na isang taon, ano ba ang mga nagawa ng administrasyong Marcos Jr. at kung ano ang mga epekto nito sa simpleng Juan dela Cruz?
Sa larangan ng ekonomiya, naging mabunga ang taong 2022 para sa administrasyong Marcos Jr., kung saan nagtala tayo ng Gross Domestic Product (GDP) na 7.6% pinakamataas sa loob ng halos 50 taon. Sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang GDP para Q1 ng 2023 ay nasa 6.4%. Ito sa kabila ng mga agam-agam ng napipintong Global Recession, ang nagpapatuloy na giyera ng Ukraine at Russia, ang patuloy na pagsipa ng presyo ng langis sa world market ay napanatili ang matatag na ekonomiya ng bansa bunga ng patuloy na pagluluwag ng restrictions sa COVID 19 at pagbuti ng kalagayan natin sa pandemya. Sa paglikha ng trabaho, sumadsad ang unemployment rate ng bansa 4.5% noong Abril mula sa 5.75 % ng kaparehong taon. Ang ating mga magigiting na OFW na siyang patuloy na bumubuhay sa ekonomiya ay nag-uwi ng $12.98 billion sa loob ng limang buwan o paglago nito ng halos 3.1% kumapara noong nakaraang taon. Ang mga batas na naisulong tulad ng Retail Trade Act, Service Act, at kakapirma pa lang na Maharlika Investment Act, ang pagratipika sa RCEP o Regional Comprehensive Economic Partneship ay inaasahan na makakatulong para patuloy na paglago ng ekonomiya sa mga darating na panahon.
Sa isyu panlabas na pakikipag-ugnayan o foreign relations, naging masigasig ang Marcos Jr. administration para muling ipakilala ang Pilipinas sa International Community. Nagkaroon siya ng 13 foreign trips sa loob lang ng isang taon. Ilan dito ay ang pakikipagpulong niya kay Chinese President Xi Jingpin sa Beijing upang linawin ang nanatiling tension sa West Philippine Sea, kay US President Joe Biden para mapagtibay ang relasyong Washington – Manila at iba pa. Layunin daw ng mga foreign trips na ito na ipakilala ang bansa at humimok ng mga mamumuhunan sa ating bansa.
Sa isyu ng teritoryo, nanindigan ang Pangulo na patuloy na isusulong nito ang mapayapang resoluyon hinggil sa isyu ng agawan sa Spartly Islands sa West Philippine Sea. Naglunsad ng pinakamalaking Balikatan Exercise ayon sa kasunduan sa VFA o Visiting Forces Agreement. Pumayag din ang bansa na magtayo ng bagong EDCA sites sa mga base military ng bansa. Nilinaw naman na hindi ito gagawing Base Militar ng Amerika kundi ito gagamitin sa mga logistics at humanitarian purposes. Patuloy pa rin naman ang kampanya ng pulisya laban sa criminalidad, droga at insurrection.
Sa larangan ng agrikultura at repormang agraryo, bilang siya ring Kalihim ng Agriculture Department ay maraming hamon ang hinarap ng ahensya mula sa pagtaas ng presyo ng asukal, sibuyas dahil sa smuggling, pagpapataas ng pruduksyon, ASF, Avian Flu, ito ay unti-unting nilulunasan isa sa mga ito ay ang pagtatayo ng mga Kadiwa Centers sa iba’t ibang lugar para mapagaan ang pasanin ng mamayan bunga ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Pagbaba ng tariff rates sa mga imported meat products, at pag-iimport ng kakulangan sa supply. Bagama’t ang inyong lingkod ay laging nagpapahayag ng pagtutol sa importasyon, sana ay hindi lagi tayong aasa ng aasa sa mga produkto ng ibang bansa. Ang pangarap ni BBM na 20 pesos na bigas ay isa pa ring pangarap sa ngayon dahil nagtataas ang presyo ng bigas sa merkado. Muli, sana ay ikonsidera na ng pamahalaan na panahon na para maglagay ng pernamenteng Kalihim sa Agrikultura na bihasa at tutok sa mga suliranin ng Agrikultura. Sa kabilang banda, pinawi naman ng administrayong ito ang nagpapahirap na utang sa ating mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpasa ng batas na New Farmer’s Emancipation Act na bumura sa halos Php 57 Bilyon na utang ng mga magsasaka sa kanilang lupa at makikinabang ang halos 610,000 na magsasaka sa ating bansa.
Sa larangan ng impastraktura naman, nakatakda ang pag roll-out ng halos 110 flagship project ni BBM na popondohan sa pamamagitan PPP o public- private- partnership. Patuloy din ang pagrerebisa ng K-12 curriculum at paglunas sa mga problema ng ating edukasyon, Ang paglulunsad ng mga regional specialty hospitals at pagpapalakas ng pasilidad ng ating mga ospital ay tinututukan din ng administrayon.
Marahil, ang ilan sa atin ay nakukulangan pa sa mga nagawa ni Pangulong Marcos lalo na sa pagpigil o pagkontrol sa presyo ng bilihin bunga ng inflation na patuloy naman sa pagbaba. Patuloy na paglobo ng utang ng bansa, ang banta ng climate change, El Nino. Subalit ating laging isipin na ang gobyerno ay gagawin ang lahat para mabuti at makaahon na tayo sa pagkakalugmok natin. Pwede tayong pumuna subalit lagi natin isipin na sa huli tayo-tayo pa rin ang tutulong sa isat-isa at sabay sabay natin harapin ang Bagong Pilipinas. #DM