
Falcon, nakalabas na ng PAR: Habagat, magpapaulan pa rin sa malaking bahagi ng Luzon
Nakalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Falcon, ayon sa anunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Administration (PAGASA) nitong Martes ng hapon, Agosto 1.
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!Sa inilabas na ulat mula sa PAGASA kaninang alas 5:00 ng hapon, lumabas ng PAR ang Typhoon Falcon dakong 3:30 ng hapon.
Huling namataan ang bagyo na may 835 kilometro ang layo sa hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon sa labas ng PAR, na may taglay na lakas ng hanging aabot sa 175 kilometers per hour malapit sa gitna nito at pagbugsong aabot sa 215 kilometers per hour.
Kahit nakalabas na ng PAR ang nasabing bagyo, pinalalakas pa rin umano nito ang southwest monsoon o habagat na siyang nagdudulot ng mga pag-uulan sa kanlurang bahagi ng Luzon sa susunod na tatlong araw.
Makararanas pa rin umano ng pabugso-bugsong malalakas na hangin at ulan bukas (Miyerkules) sa bahagi ng Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Region , Nueva Vizcaya, Aurora, Zambales, Bataan, Bulacan, Pampanga, Metro Manila, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, kanlurang bahagi ng Northern Samar, malaking bahagi ng Cordillera Administrative Region at Western Visayas dahil sa habagat. ##