[Ni Randy Nobleza]
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!
Boac, Marinduque – Magkakaroon ng seremonya ng pagtatapos ang Graduate Diploma in Cultural Education (GDCE) Batch 3 sa Martes, Agosto 15 sa Casa Real ng kabisera ng lalawigan. May temang, “Harmony in Diversity – Cultivating Cultural Wisdom across Islands and Cities” ang pagtatapos na magsisimula ng 4:30 ng hapon.
Mula sa Mindoro sina Kermit Agbas, Jan Christian Cabarrubias, Ralph Diaz, Maybelle Gonzales, Junex Gaspar, Godofredo Quintero Jr., Eureka Ramos at Gemma Santiago. Galing naman sa Palawan sina Ara Dell Beatrice Abe, Michael Angelo Doblado, Jehu Segundo at Andrea Trina Dequiña. Habang taga-Marinduque naman sina Leiden Baptista, Francis Rafael Bonode, Haydie Cruzado, Cheryl De Mesa, Lea Dulay, Arwin Jones Epa (Batch 2), Maryjoy Larracas, Ruth Larraquel, Grace Logmao, Marielle Logmao, Mary Angeline Mapacpac, Russel Martinez, Roziel Montalban, Mark Christopher Roi Montemayor (Batch 2), Jodan Montera, Darwin Morales, Dennis Motol, Rosiel Peñarubia at Mary June Quindoza. Samantala, mula naman sa Quezon si Ruthsenett Soriano at Pasig si Danim Majerano.
Nagsimula ang GDCE Level 2 noong Hulyo 17 hanggang 22 sa CulEd 207: Development of Culture-based Lesson Exemplar nang Hulyo 24 hanggang 29 kay Prop. Sharmaine Balut. Sumunod ang CulEd 206: Local Cultural Mapping kay Prop. Rica Palis na nagkaroon pa ng online radio guesting sa Kalinangang Bayan ang mga titser-iskolar at BCAEd na mga mag-aaral at magtatanghal. Pagkatapos, nakabalik muli si Prop Tim Dacanay noong Hulyo 21 hanggang Agosto 5 para sa CulEd 20: Media-Based Cultural Documentation kung saan nakagawa ng mga dokyumentaryo ang mga titser-iskolar sa iba-ibang mga pamanang higit pa sa nasasalat. At nitong Agosto 7 hanggang 12, naidaos ang Erguhan: Kamalayan sa Wika at Kultura bilang unconference sa CulEd 204: Issues in Cultural Education sa pamamahala ni Dr. Randy Nobleza na siyang GDCE coordinator sa Mimaropa.
Ang Graduate Diploma in Cultural Education (GDCE) ay mula sa pagtataguyod ng Philippine Cultural Education Program (PCEP) sa pangangasiwa ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA). Ang unang batch ng GDCE sa Marinduque ay noong 2018 habang ang kasunod na batch ay nagkaroon ng mga titser-iskolar mula Romblon at Mindoro. Ang Buwan ng Agosto ay nagdiriwang din ng Buwan ng Kasaysayan at Wika. Ang Marinduque State College ay bahagi ng Local Historical Committees Network (LHCN) ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) at mayroong Sentron Wika at Kultura sa pakikipag-ugnayan sa Komisyon sa Wikang Filipino. ##