Ronel S. Franco, Master Teacher I San Vicente Elementary School, SDO Nueva Ecija

Hayan na… Paparating na sya…

Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!

 

Tila nagbago ang lahat nang minsang dumagundong ang balitang siya ay paparating na. Ika-29 ng Enero nang kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang kauna-unahang kaso ng Covid-19 sa bansa. Simula noon unti-unti nang huminto ang galaw ng orasan at tanging ang takot at pangamba na lamang ang syang nanatili sa damdamin ng lahat. Aakalain mo bang tanging siya lamang ang makapaghihinto sa matinding trapiko sa EDSA, at magpapatahimik sa matataong lugar gaya ng palaruan, malls, pamilihan at ng paaralan?

Kasabay ng paghinto ng lahat ay ang mga katanungang; Paano na itutuloy ang pag-aaral? Paano na ang mga batang uhaw sana sa kaalaman? Paano na ang kaligtasan ng lahat kung mismong ang tagapagsalba ng mga buhay ay unti-unti nang nalalagas ang kanilang hanay?Dahil ayon sa tala ng DOH noong Agosto 2020 ay nasa 44 health workers na ang namamatay dahil sa virus na ito. Oo, tama ka. Walang sapat na kahandaan ang lahat. Kahit na ang mga mauunlad at mayayamang bansa ay unti-unting pinadadapa ng sakit na ito. NAKAKATAKOT… NAKAKAKABA.. Dahil lubos siyang mapaminsala.

Pinsalang kahit ang pag-asa ng mga kabataan na tanging edukasyon sana ang makakapagpabago ng kanilang mga nakasanayang buhay ay malabong maipagpatuloy pa. Marahil si Juan ang iyong natatanaw doon sa dilaw na poste sa kanto kasama ang kanyang inang bitbit ang mga kapatid nito. Karay-karay ang plastic na naglalaman ng mga puting papel na tinintahan ng letra at mga salita. Ngunit paano nga ba malalamnan ng sapat na kaalaman ang nagugutom na kaisipan ng musmos na ito kung ang kanyang mga magulang ay hindi man lang nakababasa? Dahil isa lamang sila sa 10 milyong Pilipinong hindi makabasa’t makasulat ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian. Sa ganitong pagkakataon kamusta na nga ba ang magiging sitwasyon ng ating naghihingalong edukasyon sa gitna ng banta ng pandemya? Idagdag pa ang sabay-sabay na unos dulot ng mga nagdaang bagyo.

Kakulangan sa modyul, mali-maling imprenta ng mga SLM o self learning modyul na nagdulot ng kalituhan sa lahat, stress na kinakaharap ng mga mag-aaral, kawalan ng sapat koneksyon sa internet, walang gadget para makasali sa online learning, pagkasira ng mga ito dulot ng mga nagdaang bagyo, at marami pang iba. Ilan lamang yan sa mga kinakaharap na suliranin ng bawat isa sa ganitong panahon.

Dagdag pa ang kakulangan ng sapat na puting papel at tintang gagamitin ng mga guro sa paglilimbag ng mga modyul na gagamitin sana ni Juan. Nakalulungkot isipin na naglipana sa social media ang mga panawagan ng mga pampublikong guro para sa puting papel at tinta para sa pag-iimprenta ng mga modyul. Panawagang kung iisipin ay kaya sanang solusyunan ng pamahalaan. Ngunit ayon sa DepEd hindi sapat ang pondo upang mailimbag ang modyul ng 23.11 milyong mag-aaral nito. Kaya isa ito sa dagdag pasanin ng mga pobreng guro.

Ang nakatutuwa nito, isa ang magulang ni Juan na nagpaabot ng mga basang puting papel. Maaaninag mo sa pabalat nito kung paano ang mga malalakas na hangin at ulan ang nagdaan sa barong-barong nilang tahanan kung kaya’t nabasa ang mga ito. Oo, saksi ang mga matang ito nang minsang makita ko sa social media ang kwento kung paano naihatid ng magulang ni Juan ang mga papel na ito. Pakiwari ko’y hindi ang isang tulad niya ang makagagawa ng ganitong bagay. Isa sana siya sa mga tinutulungan dahil hirap at salat ang kanilang kalagayan. Ang tulad sana nila ang binibigyan ng ayuda. Ngunit dahil sa kabutihan loob at pagmamalasakit ay hindi hadlang ang estado ng buhay para tumulong. Pagtulong na ang tanging nais ay madugtungan ang kakarampot na kaalamang mayroon si Juan. Sabi nga nila “Ang Pagtulong ay Kayamanan”

. Hindi dahilan ang kakulangan at kakapusan. Hindi kailangan maging rason ang pandemya o mga bagyong nagdaan upang ang pagpapatuloy ng pagbibigay kaalaman sa mga musmos na kabataan ay mahininto. Maaaring may kakulangan ngunit sa pagbabayanihan at pagmamalasakit ng bawat Pilipino ay malalampasan natin ito.

Hayan na.. Paparating na ang pag-asa. Pag-asang sisibol sa gitna ng pangamba.

“WALANG MAIIWAN” dahil para kay Juan kailanman walang unos na hindi makakaya basta’t sama-sama. Halika at sabay-sabay nating guhitan at kulayan ang ating mga pangarap na balang araw ay maisusulat sa likod ng mga puting papel. #DM 

Happy
Happy
0 %
Sad
Sad
0 %
Excited
Excited
0 %
Sleepy
Sleepy
0 %
Angry
Angry
0 %
Surprise
Surprise
0 %
Previous post DTI-12 to showcase local coffee, cacao, coconut, and banana products in BLENDS
Next post Sumasayaw na Gay Traffic Enforcer sa Cavite, good vibes ang dala sa Kalsada

Discover more from Diyaryo Milenyo

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue Reading

%d