UP LIKAS, isasagawa ang ika-32 Pambansang Kumperensiya ngayong Oktubre

Read Time:1 Minute, 46 Second

Tunghayan ang landas at kasaysayan ng nasyonalismong Pilipino!

Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!

Sa ika-19 at ika-20 ng Oktubre, samahan ang UP Lipunang Pangkasaysayan (UP LIKAS), isang organisasyong pangkasaysayan ng UP Diliman, sa ika-32 Pambansang Kumperensiya ng mga Mag-aaral ng Kasaysayan na “Kapulwan: Pamana at Hamon ng Nasyonalismong Pilipino.”

Kasabay ng paggunita ng ika-125 anibersaryo ng kasarinlang Pilipino, angkop ang tema ng kumperensiya sa pagtatampok ng iba-ibang kasapi ng bayan. Maliban sa mga kilalá nang pangalan sa kasaysayang pambansa, mahalagang ipagdiwang ang samot-saring ambag ng sambayanan sa pagbuo ng Pilipinas sa kasalukuyan. Sa pamamagitan ng larangan ng kasaysayan, katuwang ang mga larangan ng sosyolohiya, antropolohiya, araling Pilipino, at araling pangmadla, pag-uusapan sa kumperensiya ang temang sentral – nasyonalismo – upang makatulong sa pag-unawa ng naratibo ng nasyon sa paglipas ng mga taon. Patitingkarin sa dalawang araw na kumperensiya hindi ang mga karanasan ng mga makapangyarihan, kung hindi ang karanasan ng mga karaniwang tao at ang kanilang lugar bilang mamamayan ng Pilipinas.

Kabilang sa mga paksang mapag-uusapan ang nasyonalismong Pilipino noong dantaon 19 – ang ugnayan ng kilusang Sekularisasyon, Propagandista, at Rebolusyonary. Gayon din, ipapaliwanag ang pamana ng nasyonalismo sa kultura, agham, at lipunang Pilipino. Patitingkarin sa ikalawang araw ang mga karanasan, ambag, at hamong nararansan ng iba’t ibang sektor – kabilang ang mga kababaihan, kabataan, Tsinoy, katutubo at Muslim, at Filipino diaspora. Tatapusin ang kumperensiya sa pagtalakay sa kontemporaryong panahon – ang pamana at hamon ng nasyonalismong Pilipino sa kulturang popular, sining, pelikula, at pagtuturo sa batayang edukasyon.

Sa pamamagitan ng Pambansang Kumperensiya, magtitipon ang mga dalubhasa upang ilahad nila ang kanilang pananaliksik hinggil sa nasyonalismong Pilipino at ang direksyon ng pagtuturo at pag-aaral nito sa dantaon 21. Sa dalawang araw na kumperensiya, titiyakin ang kalidad ng diskusyon sa bawat sandali upang higit na maikintal ang kamalayang pangkasaysayan ng mga delegadong mag-aaral, guro, at mga mamamayan ng kasaysayan. Sa pangkalahatan, nais ng organisasyon na mas mahikayat ang mga imbitado na palakasin ang pag-aaral sa kasaysayan ng nasyonalismo ng bayan, sapagkat isa itong lapit na hindi maitatatwa sa salaysay ng bansang Pilipinas.

#Kapulwan2023

#UPLIKAS

Previous post 8 things you (probably) didn’t know existed at Estancia Mall
Next post Are We Out of the Woods? About Inflation and Stock Market

Discover more from Diyaryo Milenyo

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue Reading

%d bloggers like this: