“…France (Castro), kayong mga komunista ang gusto kong patayin,’” – Ex-Pres. Rodrigo Duterte.
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!
Ito ang naging patutsada ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay ACT Teachers party-list Rep. France Castro, isa sa mga hayagang kritiko ng confidential funds ng anak niyang si Vice President Sara Duterte.
Sa isang panayam ng SMNI kay Ex-Pres. Duterte nitong Martes ng gabi, Oktubre 10, inihayag ng dating pangulo na gagamitin ng bise presidente ang confidential at intelligence funds (CIFS) ng kaniyang tanggapan para maging “complusory” umano ang military training sa mga high school at college student.
“Sabi ko kay Inday (Sara Duterte), diretsuhin mo na. Itong intelligence fund na ito is to prepare the minds of the Filipinos, itong insurgency na hindi matapos-tapos and the ROTC para preparado tayo kung magkagiyera. [Sa] ganitong sitwasyon ngayon, ‘pag wala tayong sundalo, meron tayong mga bata who will take care of their respective barangay to help government,” ani Duterte.
“Pero ang una mong target sa intelligence fund mo, ‘kayo, ikaw, France (Castro), kayong mga komunista ang gusto kong patayin.’ Sabihin mo na sa kaniya. Pero hindi naman niya sinabi, sabi niya, ‘Alam mo kasi, Pa, ‘pag sinabi ko, baka i-harrass na ‘yung mga PMT’,” saad pa niya.
Ayon pa kay Duterte na pinayuhan niya ang bise presidente na maging prangka sa Kongreso, partikular kay Castro, na gagamitin niya ang CIFs upang ihinto umano ang communist insurgency sa bansa. Aniya, hindi naman umano siya [R. Duterte] pinakikinggan ng anak dahil baka ma-harass umano ang Philippine Military Training (PMT) institutions.
Nagpatutsada rin kamakailan ang mababatas sa naging pagdipensa ni VP Sara sa confidential funds ng kaniyang tanggapan.
Matatandaan na inalis ng Kamara ang confidential funds ng limang mga ahensya ng gobyerno para sa 2024 upang ilipat sa mga ahensyang dumidipensa sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at nakatutok sa “peace and order” ng bansa. Kabilang nito ay ang OVP at DepEd sa mga tinanggalan ng confidential funds para sa 2024.