Ni Sid Samaniego
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!
Sadyang likas na sa mga Taga-Rosario ang magsauli ng importanteng bagay tulad ng pitaka at bag.
Ito ang katangiang ipinakita ng pedicab driver na si Francisco Bondoc, 38, may asawa, apat ang anak, naninirahan sa Brgy. Silangan I at tubong Guiñangan Quezon nang isauli niya kahapon ang bag sa kanyang naging pasahero.
Kinilala ang pasahero na si Emerlita Mongis a.k.a Milet, 61 taong gulang, tubong Marinduque, byuda, may 3 anak, kasalukuyang tagapamahala ng Samson Funeral.
Kwento ni Aling Milet, galing siya ng palengke kahapon ng alas-dos ng sumakay siya ng sidecar sa gilid ng Kalye Ave Maria at nagpahatid sa kanyang bahay sa Brgy. Bagbag I.
Isang oras pa ang lumipas habang siya ay nagluluto ng matuklasan niya na nawawala ang kanyang eco bag na may lamang pitaka.
Agad tinawagan ng anak ni Aling Milet ang bagong celpon na kasama ring nasa bag.
Hindi nag-alangang sagutin ni Francisco ang celpon. At doon nga ay natuklasan niyang ang bag na nasa gilid ng kanyang sidecar ay naiwan pala ng kanyang pasahero na si Aling Milet.
Sinadya ni Francisco na dalhin agad ang bag sa tunay na may-ari at ng makuha na ni Aling Milet ang bag ay doon lamang natuklasan na ang bag ay naglalaman ng tseke, atm, passbook, bagong celpon, at 16K na cash.
“Maluha-luha talaga ako ng maisauli ang aking bag. Hindi ko akalain na may gintong puso ang pedicab driver na aking nasakyan. Lubos-lubos ang aking pasasalamat kay kuyang driver. Ayaw pa niyang kunin ang konting pabuya na inaalok ko sa kanya. Ako na lang talaga ang nagpumilit. Maraming salamat talaga kay kuyang driver”, kwento ni Aling Milet.
Sa buhay ni Aling Milet ito na ang pangalawang pagkakataon niya na nawalan at naisauling pitaka.
Samantala, si Francisco ay sampung taon ng umuupa ng pedicab ay nangangarap ding magkaroon ng sariling e-bike pedicab para sa pamilya.
Kilala si Francisco sa kanyang barangay na mabait, mahusay makisama at responsableng ama at asawa. ##