KANINO ANG BRGY. LIGTONG IV? “ISANG BATA, ISANG MATANDA, ISANG BABAE, AT ISANG BINABAE”

Read Time:6 Minute, 0 Second

Ni Sid Samaniego

Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!

 

 

Hindi maaaring magpalipad ng eroplano ang isang doktor, karpintero, magsasaka, mangingisda, politiko o di kaya artista, kundi isang Piloto lamang na may pinag-aralan tungkol sa aeronautics at karanasan magpalipad.

 

Ibig sabihin bawat propesyon o mahalagang gampanin sa lipunan ay may kanya-kanyang tagapagdaloy na mayroong sapat na kaalaman at kakayahan na akmang-akma sa nasabing propesyon upang maisaayos ang katuparan nito ng sa ganon ay umunlad ang barangay.

 

Hinding-hindi makakalipad ang eroplano o kung makakalipad man ito babagsak agad kapag ang nagpapalipad nito ay hindi Piloto. Ang lipunan ang parang isang “eroplano” na mayroong patutunguhan.

 

Maganda, maayos, at matayog ang progreso ng lipunan kapag ito ay “pinapalipad” ng isang taong meron natatanging alam at kakayahang pangasiwaan ang “dynamics” ng politika.

 

Kaya, para kay Plato, isang Greek Philosopher, dapat ang pinuno o hari ay philosopher na may matayog na pag-ibig sa karunungan dahil ito aniya ang pinakapundasyon ng katarungan na siyang susulong sa kaayusan, kapayapaan, kaunlaran at kaginhawahan ng isang barangay.

 

Sa isang barangay sa bayan ng Rosario, Cavite na kung tawagin ay Barangay Ligtong Kwatro maglalaban ang isang bata, isang matanda, isang babae, at isang binabae na may kani-kaniyang katangiang taglay na hinahanap ng mga tao.

 

Kilala ang barangay Ligtong Kwatro sa pagawaan ng malalaking tinapahan ng isda na siyang pangunahing pinagkakakitaan ng mga tao.

 

Matatapos na ang mahabang paglilingkod ng kasalukuyang Kapitan ng Brgy. Ligtong IV at Pangulo ng Asosasyon ng mga Barangay Captain (ABC Pres) na si Konsehal Jojo Crisostomo at kailangang muling pumili ng tamang lider na hahalili sa kaniya.

 

Kilalanin natin ang apat na magtutunggali sa pagka-kapitan ng Brgy. Ligtong Kwatro:

 

Una si KEVIN GUIJO: Noong musmos pa lamang ay hindi niya talaga alam kung ano ba ang totoong kahulugan ng pagtulong sa kapwa at palilingkod sa bayan at ito ay unti-unti niyang naintindihan nang siya ay nagkaka-edad na at maranasan niyang makatulong sa ibang tao kahit na maliit na bagay lamang at maramdaman niya na masaya siya kapag may natutulungan at nakakagawa ng maganda sa barangay.

 

At noong 2010 BSKE, dahil sa paki-usap ng mga kabataan na tumakbo bilang SK Chairman ay pinalad siyang manalo sa naturang halalan. Naglingkod siya mula taong 2010 hanggang 2013 bilang SK Chairman.

 

Nang matapos ang kanyang termino bilang SK Chairman ay tinutukan naman niya ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo.

 

Nagtapos siya sa International School of Hotel and Restaurant Management sa Bacoor City Cavite sa kursong Bachelor of Science Hotel and Restaurant Management.

 

Sa kagustuhang muling makapaglingkod sa kanyang barangay si Kevin ay tumakbo bilang Barangay Kagawad noong 2018 sa panawagan na rin ng kanyang mga ka-nayon. Nagwagi siya at nakuha ang unang pwesto bilang Kagawad.

 

At ngayon si Kevin ay tumatakbo bilang Punong Barangay na ang tanging nais ay mapaganda at mapaglikuran ng buong-puso ang kanyang mga nasasakupan.

 

Ikalawa, si FERDINAND MOLINA GUEVARRA. Mula sa angkan ng “pamilya kalabaw”. Isang dating Hyrolic Mechanic sa bansa ng mga arabo. Matagal na nagtrabaho sa ibang bansa.

 

Ang 61 anyos na si Guevarra ay puntahan ng mga tao na nangangailangan ng tulong. Walang hinindiang tao basta’t pagtulong sa kapwa ang pag-uusapan. Magaling at mahusay makisama.

 

Ang panawagan ng marami ang nagtulak sa kanya upang suungin ang paglahok sa pulitika. Hindi aniya hadlang ang kanyang edad upang mapaglingkuran niya ang kanyang mga nasasakupan. Age is just a number, ika nga.

 

Tila isang social welfare ang kanyang tahanan sa tuwing siya ay umuuwi sa Pinas. Laging bukas ang kanyang pintuan sa kanyang mga ka-barangay.

 

Wala pa man sa mundo ng pulitika ay ramdam niya ang nais ng mamamayan. Kung mabigyan ng pagkakataon na mapaglingkuran ang Barangay Ligtong Kwatro ay mas higit niyang matutulungan ang kanyang mga mamamayan.

 

Ikatlo, si EDWINA ENRIQUEZ. Isang babae. Taong 2003, nang unang lumahok sa pulitika si Edwina bilang Brgy. Kagawad subalit hindi pinalad. Hindi nagpa-apekto sa kanyang pagkatalo. Itinuloy pa rin niya ang pagtulong sa kapwa.

 

Kaya muli siyang tumakbo bilang Brgy. Kagawad noong 2007 at dito ay nagwagi siya at nakopo ang ikatlong pwesto. Hindi binigo ang mga taong naniniwala sa kanya. Kung ano ang ipinangako niya sa kanyang nasasakupan ay tinupad niya ito.

 

Nang sumunod na Barangay Election ay muli siyang pinalad at naging Top 2 siya sa bilangan. Marahil dahil na rin sa ganda ng kanyang ipinakitang paglilingkod sa mga kabarangay.

 

At sa huling termino ng pagtakbo niya bilang Barangay Kagawad at nakuha niya ang unang bilang. Dahil dito, lalo niyang pinagbuti ang kanyang serbisyo sa barangay.

 

Nang matapos ang tatlong termino ay pansamantalang nagpahinga at nagbigay-daan.

 

Kahit hindi siya nakapwesto sa barangay ay tuluy-tuloy pa rin ang kanyang pagtulong sa mga kabarangay. Wala siyang hinihindian na samahan para makahingi ng tulong. Nagsasagawa din siya ng mga Feeding Program, Community Pantry at pamimigay ng mga Bigas at School Supplies kahit wala na sa serbisyo.

 

At ngayong taon, pinakinggan niya ang gusto ng nakararami at pangarap ng kanyang yumaong ama na tumakbo bilang Barangay Captain. At kung sakali diumano na siya ay palarin, hihigitan pa niya ang mga ginawa noong siya ay Barangay Kagawad pa lamang.

 

Ika-apat si ARIEL BIHASA: Proud member of LGBT. Ipinanganak noong Marso 29, 1975 nang mag-asawang Juan at Adela Bihasa. Nag-aral sa Ligtonq Elementary School hanggang Grade 2 at nagpatuloy ng pag-aral sa Cafuir Learning Center. Kumuha ng kursong Culinary Arts sa School for Hotel and Restaurant Management.

 

Isang bukas na libro ang buhay ni Ariel sa mga tao. Katawang lalake na may pusong babae. Masipag at masinop na maglalako ng tinapa sa bundok ng Maragondon, Magallanes, at Indang.

 

Matulungin sa mga tao. Dama niya ang pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan. Kaya naman, sa kahit simpleng paraan ay kanyang tinutugunan ang mga ito.

 

Dalawang beses nabigo sa pagtakbo bilang Brgy. Kagawad. Ang pagkabigo ay naging hamon sa kanya upang ipagpatuloy ang kanyang pagtulong sa kapwa. Nanguna at nangasiwa sa iba’t ibang patimpalak gaya ng Miss Gay na talaga namang inaabangan ng marami.

 

Naging debosyon na rin niya ang pagpapa-karidad o pagpapakain sa mga sumasama sa karakol sa tuwing dumarating ang Kapistahan ni Tata Idrong.

 

Taong 2018 sa pangatlong pagkakataon ay muli niyang sinubukang lumahok sa pulitika. At dito nga ay pinalad siyang nanalo at nakopo ang ika-apat na pwesto.

 

Dahil sa tawag at panawagan ng mga naniniwala sa kanya ay tinutulak siya ngayon na maglingkod bilang Punong Barangay. Naniniwala siyang mapagtatagumpayan niya ang labang ito.

 

Sukatan na ng pagpili…

Susuriin na at kikilatisin na…

Ilang araw na lang ay pipili na ang mga tao kung sino ang karapat-dapat na maging Punong Barangay sa Ligtong Kwatro.

 

Ang apat na tumatakbo ay may kani-kaniyang katangiang taglay na hinahanap ng mga tao. Anuman ang maging resulta ng halalan ay igagalang at tatanggapin ito ng bawat isa.

 

Ang mahalaga dito ay may apat na kandidato na nais sundan ang yapak ng magaling na lider na sina Kapitan Jojo Crisostomo, Kapitan Jose “Che” De Guia, Kapitan Nardo Luay, at Kapitan Larry Convento. ##

Happy
Happy
0 %
Sad
Sad
0 %
Excited
Excited
0 %
Sleepy
Sleepy
0 %
Angry
Angry
0 %
Surprise
Surprise
0 %
Previous post BOI, Security Bank ink SIRV agreement to attract more foreign investments in the Philippines 
Next post Remittances and the Economy: The Pivotal Role of Overseas Filipino Workers in Shaping the Philippine Economic Landscape

Discover more from Diyaryo Milenyo

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue Reading

%d bloggers like this: