MAGUINDANAO, Philippines — Personal na pinuntahan ni Maguindanao Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu ang mga bakwet sa bayan ng Ampatuan upang tignan ang kanilang mga kalagayan at hatiran sila ng tulong upang kahit papaano maibsan ang kanilang nararamdaman na hirap.
Sa press statement na inilabas ng provincial government ng Maguindanao ngayong-araw, sinabi ni Governor Mangudadatu na siya ay “nalungkot” at nakaramdam ng awa sa mga bakwet matapos nitong makita ang kanilang kaawa-awang kalagayan.
Mula sa mga Barangay ng Salman at Saniyag ng nasabing bayan ang mga bakwet, ayon sa report na natanggap ng DIYARYO NILENYO.
Ayon kay Governor Mangudadatu, walang magandang naidudulot ang armadong-labanan at kailangan ng matigil dahil ang masyadong naaapektohan ay ang mga inosenteng sibilyan.
Napag-alaman ng DIYARYO MILENYO na ang mga bakwet ay lumikas sa karatig-bayan ng Ampatuan para masigurado ang kanilang kaligtasan sa labanan ng tropa ng gobyerno at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) sa remote area nito.
Umapela si Governor Mangudadatu na itigil na ang labanan at sinabihan nito ang mga bakwet na kung sino man sa kanila ang may mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan na nakikisali sa labanan ay agad nilang tawagan o sabihan na tumigil na dahil ang nagiging kawawa ay ang kanilang mga pamilya din.
“Hindi malulutas ng giyera ang kahirapan bagkus ito ay magdadagdag lang sa ating mga paghihirap,” giit ni Governor Mangdadatu.
Pinasalamatan naman ni Governor Mangudadatu si Mayor Bai Leah G. Sangki ng LGU-Ampatuan, at ang PNP, sa pangunguna ni Colonel Arnold Santiago, sa kanilang mga suporta. (RAMIL H. BAJO, DESK MAN, MINDANAO DESK, DIYARYO MILENYO/PHOTO CREDIT TO BABAI A. KASALIGAN)