
GMRC AT VALUES EDUCATION, IBINALIK NI PANGULONG DUTERTE
PINIRMAHAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na muling magpapalawig ng kahalagahan ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) at Values Education bilang asignatura sa K to 12 curriculum para sa pribado at pampublikong paaralan sa bansa nitong Huwebes, Hunyo 25.
Layon ng Republic Act (RA) 11476 na muling ibalik ang nasabing asignatura sa lahat ng antas ng paaralan dahil na rin sa kawalan ng disiplina, respeto, etikal, at moral ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon. Aalisin na ang Edukasyon sa Pagpapakatao at ang ipapalit dito ay ang GMRC at Values Education.
Ang GMRC ay ituturo mula Grade 1 hanggang Grade 6 at saklaw din nito ang mga Kindergarten na magiging daily learning activities nila.
Ang Values Education naman ay magiging asignatura para naman sa Grade 7 to 10 at saklaw din ang Grade 11 to 12.
Ang Department of Education (DepEd) ang siyang magsisilbing lead agency sa implementasyon ng RA 11476.
Inaasahan na ito ay matututukan at maituturo ng wasto ng mga guro o educators at makapag provide ng mga instructional materials para mas maunawaan din ng mga mag-aaral ang tunay na kahalagahan ng GMRC at Values Education sa pagkakaiba-iba sa pagitan ng kultura, ekolohiya at pagsunod sa batas, pati na rin ang mga pagpapahalaga sa katapatan at integridad, at mabuting pakikitungo sa ibang tao, paggalang at pagrespeto sa mga nakatatanda at iba pang aspeto ng pagkatuto at disiplina.
Matatandaan na si Sen. Migs Zubiri ang author ng Republic Act 11476. Nagpasalamat ang Senador kay Pangulong Duterte sa pag-apruba sa batas na ito dahil napapanahon aniya ito. (From Rex Molines | Photo courtesy: Daily Tribune)