[BY ABDUL CAMPUA with reports from RASHID RH. BAJO/Photo credit to Jocris Barroga]

DATU HOFER, Maguindanao — Libo-libong katao na ang nabakunahan sa ibat-ibang mga bahagi ng probinsya ng Maguindanao, ayon sa hepe ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ng nasabing probinsya.
Sa interbyu kay IPHO-Maguindanao Health Officer Dra. Elizabeth Samama, sinabi nito na as of May 30, 2021, umabot na sa mahigit 8,000 katao ang nakatanggap bakuna laban sa COVID-19 na nagmula sa 18 na munisipyo ng probinsya.
Ayon kay Dra. Samama, ang mahigit 6,000 katao ay tumanggap na ng “first dose” ng vaccine habang ang mahigit 2,000 naman ay nakatanggap na ng “second dose” ng bakuna.
Ang probinsya ng Maguindanao ay binubuo ng 36 na mga munisipyo.
Si Dra. Samama ay isa sa mga opisyal ng IPHO-Maguindanao na personal na bumisita upang tignan at obserbahan ang daloy ng vaccination roll out ng LGU Shariff Aguak na ginanap noong June 1, 2021 sa covered court na mga ilang metro lamang ang layo mula sa municipal hall building ng nasabing bayan.
Ayon kay Dra. Samama, ang vaccination roll out ay programa ng gobyerno upang ma-protektahan ang mga tao laban sa nakakamatay na COVID-19 na sakit, kung saan pumatay na ng libo-libong mga tao sa ibat-ibang mga bahagi ng bansa.
Sa dokumentong ibinigay ni Dra. Samama sa PIN-POINT PATROL News, sinabi doon na as of May 30, 2021, ang probinsya ay may “reported” na 1,254 na kumpirmadong mga kaso ng COVID-19.
Ayon pa rin sa report nito, otsenta (80) porsyento ng nasabing mga kaso ay “recovered” at “discharged” at labing-anim (16) na porsyento lamang ang “active cases.”
Tulad ni LGU–Shariff Aguak Mayor Marop Ampatuan, umapela rin si Dra. Samama na hindi maniwala sa negatibong mga “haka-haka” na kumakalat tungkol sa bakuna dahil ito ay walang basehan.
Ayon pa kay Dra. Samama, ang bakuna ay para sa kaligtasan ng lahat. #DM
0 comments on “Mahigit 8,000 nabakunahan na sa probinsya ng Maguindanao”