
[UPDATE] Isiniwalat na ni Sen. Manny Pacquiao ang katiwalian sa gobyerno tungkol sa distribusyon ng COVID-19 cash aid o ayuda via mobile wallets sakabila ng hamon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na mag-imbestiga si Pacquiao tungkol sa pahayag nito na katiwalian sa kasalukuyang administrasyon.
Mahigit P10.4 billion na pondo ang dapat sana ay na-allocate sa social amelioration program ang nawawala. Ayon kay Pacquiao, nasa 1.8 million recipients ang dapat makatanggap ng ayuda gamit ang e-money system na ito. Subalit, nasa 500,000 recipients lamang ang nakakuha ng ayuda via mobile wallet na Starpay, ang 1.3 million recipients nito ay hindi napagkalooban ng ayuda.
“Bakit sa 1.8 million na binigyan ng SAP mula sa Starpay ay 500,000 lamang po katao ang nakadownload nito?… Ang tanong ko po, anong nangyari sa 1.3 million katao na hindi nakadownload ng Starpay app ngunit sa record po nakatanggap na sila ng ayuda?,” pahayag ni Sen. Pacquiao sa isang zoom call sa mga reporter.
“Saan po napunta ang limpak-limpak na ayuda?” dagdag pa ni Pacquiao.
Ang Starpay ay isang electronic channels na ginamit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa distribusyon ng cash aid sa pamamagitan ng GCash, RCBC, Robinsons Bank, PayMaya, at Unionbank.
Bukod pa sa usaping ito, binanatan din ni Pacquiao ang diumano korapsyon sa Department of Energy at sa contract partner nito na isang private company na IMAP.
Aniya, magpa-file si Pacquiao ng resolution ngayong araw [Lunes, July 5] para sa magkahiwalay na imbestigasyon ng senado.
“Marami pa akong hinahanda at sinusuring dokumento sa korapsyon sa DOH at ilalantad ko po yan sa takdang panahon,” pahayag ni Pacquiao.
“Huwag po kayong magagalit sa akin Mr. President dahil ako po ay tumutulong lang din,” dagdag pa ni Pacquiao.
Nagbigay pahayag naman si Health Sec. Francisco Duque III na handa raw siyang makipag-cooperate sa imbestigasyon tungkol sa paggamit ng pondo naturang ahensya. #DM
0 comments on “Pacquiao, isiniwalat na ang korapsyon sa ayuda; iba pa, isusunod”