
Hindi kailanman pahihintulutan ng Duterte administration ang iba pang mga bansa na gawing dumpsite o tambakan ng basura ang Pilipinas, ayon sa Malacañang nitong Miyerkules, kasunod ng mga ulat na ang mga Chinese ay nagtatambak umano ng basura sa West Philippine Sea.
“Hindi naman tayo pumapayag na tapunan ang Pilipinas. Ni minsan hindi po tayo pumayag sa administrasyon ni President Duterte,” sinabi ni Palace spokesman Harry Roque Jr.
Sinabi pa ni Roque na kapag napatunayan na ang mga Chinese ang nagtapon ng basura sa WPS, ang gobyerno ay gagawa ng kaukulang aksyon gaya ng ginawa ng Pilipinas sa paghakot pabalik ng mga basura sa Canada na tinambak sa ating bansa.
“Hindi po [tayo nag-iingat]. Responsable lang po tayo kasi dapat i-verify muna bago magputak,” ayon pa kay Roque.
“Noong na-verify naman po natin na nag-export ng basura ang Canada sa atin, pinabalik natin sa Canada – no ifs, no buts,” ani Roque.
“So, matagal na po tayong naninindigan na hindi basurahan at siyempre hindi kubeta ang Pilipinas,” dagdag ni Roque.
Matatandaan noong 2019, pinabalik ng Pilipinas ang tone-toneladang basura ng Canada sa kanilang bansa na tinukoy mula pa noong 2013 at 2014 pa ito naka tengga sa Pilipinas. #DM
0 comments on “Pinas, hindi tambakan ng basura – Palasyo”