
Pawikan, Nangitlog sa Dalampasigan sa Isla Bonita, Rosario Cavite
[Ni Sid Samaniego]
ROSARIO, CAVITE — Nagulat ang mga residente ng purok Isla Bonita ng bayan na ito nang masaksihan nila ang pangingitlog ng isang pawikan, kagabi ganap na alas-10 ng gabi.

Lubhang namangha sa saya ang mga residente matapos masaksihan ang pangingitlog ng isang pawikan sa kanilang dalampasigan.

Ayon kay purok lider Nestor Llanosa, hindi naman ito ang unang pawikan na nangitlog sa kanilang dalampasigan. Subalit ito ang unang pagkakataon aniya na masaksihan ng mga residente ang aktuwal na pangingitlog ng isang pawikan.
Ayon pa kay Llanosa, ang pawikan ay pinangalanan niyang si “Putol”.


Dahil putol ang kanang paa nito sa likuran. Madalas ding makita si “Putol” sa mga itinanim na artificial coral reefs sa karagatan.

Agad ipinaalam ang pangyayari sa Municipal Enviroment and Natural Resources Office (MENRO).
Naka-kordon na ang lugar na pinangitlogan ng pawikan at mahigpit na ring binabantayan ng grupo ng Bantay-Dagat. Tinatayang nasa mahigit isang metro ang laki ng nasabing pawikan. ###