
BACALAO, PAMBANSANG ULAM NG MGA CAVITEÑO NGAYONG BIYERNES SANTO
[Ni Sid Samaniego]
Thank you for reading this post, don't forget to subscribe!CAVITE CITY — Walang kaduda-duda, iisang klase ang ulam ngayon ng mga Kabitenyo, ito ang tinatawag na “bacalao”.
Ang bacalao ay isang uri ng ulam na sinangkapan ng patatas, siling bundok, repolyo, at garbanzos. Na iginisa sa bawang, sibuyas. Tinimplahan ng asin, paminta, dahon ng laurel at atchuete.


Ayon sa Food Historian na si Ige Ramos, personal na nakapanayam ng may-akda, ang bacalao o dried salted cod ay isang uri ng isda na matatagpuan lamang sa nagyeyelong bansa.
Dinadala ng mga dayuhan ang nasabing isda bilang palit-kalakal.


“1960’s ng gawing alternatibo ang isdang pinatuyong labahita. Mga mestisong Tsino at Mehikano sa Cavite ang madalas magluto nito. Nang lumipas ang maraming taon, ang salitang bacalao na rin ang naging katawagan sa luto ng isdang ito,” kwento ni Ige Ramos.
Sa paniniwalang Kristyanismo, bawal diumano kumain ng karne at baboy sa panahon ng Semana Santa. Kaya’t ginto ang presyo ng mga isda. Nagkakaubusan nga ito sa merkado. Habang bahagyang bumaba ang presyo ng karne at baboy. #DM