[Ni Sid Luna Samaniego]

Agaw-liwanag…
Sabay sa pagtilaok ng mga manok.
Hudyat na kailangan nang gumising at mag-ayos para sa pagtitinda.
Ipagluluto ang asawang namamasukan sa isang kumpanya sa Epza. Habang ang kanyang natutulog pa na 3 anak na babae ay siniguro na rin ang almusal at tanghalian, bago sumabak sa maghapong pagtitinda ng ice-buko salad.
Sisipatin ng masinsinan ang bisikletang hiniram lang sa kanyang kapatid na gagamitin niya sa pagtitinda. Upang matiyak na hindi maaantala ang kanyang paninda.
Mag-iigib ng tubig sa poso para sa pangligo at panghugas ng plato.
Unti-unti ng nasisilayan ang haring-araw.
Eksayted na sa pagtitinda na may halong kaba. Dalangin nya’y makaubos siya at kumita ng pera.



Ilang minuto na lang., papadyak na siya bitbit ang isang styro-box na puno ng ice-buko salad na tinatakpan ng makapal na dyaryo upang hindi agad malusaw.
Eto na… Eto na…!
“Bili na kayooooo…… Ice-buko salad… tsalap…. Tsalap……” ang paulit-ulit niyang sigaw na may lambing sa dulo.
500piso hanggang 800piso ang pwede nyang kitain kapag nakaubos siya ng paninda. May pambili na siya ng gatas para sa kanyang bunsong anak. Habang ang natitira ay ipambibili ng pagkain sa hapunan hanggang kinabukasan. Habang wala pang tawag sa construction bilang isang trabahador, ganito ang paraan niya ngayon para mabuhay ang kanyang pamilya.
Responsableng asawa’t ama. Masipag at matiyaga. Mabait at sobra kung makisama. Kilalang lider bilang Grand Skrepton ng Alpha Kappa Rho.
Ipinagkatiwala sa akin ang kanyang panganay na anak, upang maging “ninong” nito. Kaya sa tuwing magkikita kami ni Peter Odvina ang tawagan namin sa isa’t isa ay “parekoy”.
Para sa’yo “pareko’y” salubungin mo ang isang umagang kay ganda at baunin ang isang matayog na pangarap. Manalig at magsumikap para sa hinaharap.
Saludo ako sa’yo PAREKO’y”! #DM