Mamamayan Dismayado Na

Read Time:2 Minute, 8 Second

[SIGN OF THE CRUZ by Danilo P. Cruz]

DISMAYADO na ang mga grupo ng civil society na kinabibilangan ng mga relihyoso, mag-aaral, oposisyon, maka-Kaliwa, ilang sektor na maka-Kanan at negosyante sa napabalitang isang komprehensibong plano ng barkadahang Duterte, Gloria Macapagal-Arroyo at Joseph Ejercito Estrada.

Ang plano, ayon sa kumakalat na balita, ay ang hindi nila tahasang pagsuporta sa kandidatura ni Ferdinand Marcos Jr. sa pagka-pangulo sa harap ng lumalakas at lumalawak na suporta ng taumbayan kay Bise Presidente Leni Robredo. Dahil sa pangamba nilang galit ng mga mamamayan kung dadayain sa halalan si Robredo kaya’t isusulong na lamang diumano nila ang lubos na suporta sa kandidatura nila Sara Duterte-Carpio sa pagka-bise presidente at Rodrigo Duterte bilang senador maging sa dumaraming mga maka-Robredo at oposisyon.

Ayon din sa plano, ang adhikain at pananaw ng barkadahan ay ayunan na lamang ang kaganapan ng eleksyon kay Robredo bagama’t dapat pa ring anyang mapanatili ang mayorya sa Kongreso at Senado, ang hapag kung saan pwedeng maghain ng kasong impeachment laban kay Robredo pagdating ng panahon.

Sa tingin ng mga mapag-aral ng politika sa bansa ay mas madali nga namang mapasunod at makumbinsi ang 24 na senador at 307 na kongresista kumpara sa dumaming bilang ng mga botante sa halalan sa Mayo 9.

Dahil sa kadalubhasaan sa pagpaplano ng barkadahan sa pangunguna ni Gng. Arroyo ay naging malinaw sa paningin ng mga pantas at eksperto sa politika ang plano ng kabuuang pagpapanatili ng mayorya sa dalawang sangay ng lehislatura at pagtatalaga kung saka-sakali kay Carpio bilang kapalit nang “napatalsik” na si Robredo.

“Malawak, malalim at komprehensibo ang plano ng barkadahan na dapat lamang matugunan din ng oposisyon at ng mga mapag-aral ng politika sa bansa,” sabi pa.

Hindi rin maitatangi ang laki ng pwedeng gastusin ng barkadahan maliban pa sa tulong, materyal man at iba pa ng dayuhang interes na kilalang tagapagtaguyod ng barkadahang Duterte-Arroyo-Estrada.

“Hindi lamang ito laban nila Robredo at Senador Kiko Pangilinan na tumatakbo sa pagka-bise presidente kundi laban ng buong sambayanan upang biguin ang buong planong mapanatili ang dating sistema ng ‘maruming politika’ sa bansa na kung saan sila Carpio ang itatalagang presidente, Rodrigo Duterte bilang bise presidente at Arroyo ang speaker sa mababang kapulungan (Kongreso).”

AT SABI NGA ni Leo Tolstoy, “Since corrupt people unite amongst themselves to constitute a force, then honest people must do the same.” (Kung ang mga korap ay nagsamasama para bumuo ng isang pwersa, marapat lamang na ganoon din ang gawin ng mga marangal at mapagkakatiwalaan). ###

About Post Author

Diyaryo Milenyo

DIYARYO MILENYO is a free and independent online media outfit that publishes events happening in the local communities and current issues that matter to the public with local, national and global implications. DIYARYO MILENYO is composed of volunteer journalists and community writers scattered in various parts of the Philippines. They report the news right and where it happens. It adheres to the standards and ethics of journalism. It imposes strict rules against attacking someone. Strictly adhering to publish good news only.
Happy
Happy
0 %
Sad
Sad
0 %
Excited
Excited
0 %
Sleepy
Sleepy
0 %
Angry
Angry
0 %
Surprise
Surprise
0 %
Previous post Miss India Harnaaz Sandhu waging Miss Universe 2021
Next post 6 na Ortograpiya ng mga Wika, ilulunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino kasama ang pagpapakilala ng mga aklat sa 16 Disyembre 2021
%d bloggers like this: